APRUB ANG 5% SAVINGS BILL NA PANG-AYUDA SA 20M PAMILYANG PINOY

PORMAL nang isinulong ni dating speaker at ngayo’y senatorial aspirant Alan Peter Cayetano ang kanyang adhikain na lalo pang mapalawak ang pagbibigay ayuda sa poorest of the poor nating mga kababayan.

Noong Huwebes, March 31, inihain ni Cayetano ang HB 10832 o ang Mandatory Savings Act na naglalayong magtabi ng hindi bababa sa 5% na savings ang lahat ng mga ahensiya ng gobyerno para makalikom ng P250 bilyon na pang-ayuda sa mga mahihirap.

Kabilang sa mga may akda ng naturang panukala sina Congreswoman Lani Cayetano, Camarines Sur Rep. Lray Villafuerte, Batangas Rep. Raneo Abu, at Laguna Rep. Dan Fernandez.

Layon ng House Bill No. 10832 o ang “Mandatory Savings Act of 2022” na hikayatin ang lahat ng kagawaran ng pamahalaan, mga kawanihan, opisina, ahensiya, government financial institutions (GFIs), at instrumentalities pati na ang government-owned or controlled corporations (GOCCs) na magtabi ng limang porsiyento ng kanilang budget bilang savings sa pamamagitan ng pagtanggal sa mga aktibidad at programa na hindi importante sa kanilang operasyon.

Tama at napapanahon ang panukalang ito. Marami naman talagang nasasayang na pera sa gobyerno dahil sa mga proyekto o programa na hindi naman urgent o kaunti lang ang nakikinabang. Sa totoo lang, sobra-sobra pa nga ang P250 bilyon na malilikom mula sa hakbang na ito. Bukod sa mabibigyan ng tig-P10k ayuda ang bawat isa sa 20 milyong pamilyang Pilipino, magkakaroon pa ng flexibility ang gobyerno na gamitin ang matitirang P50 bilyon sa ibang sector na pinadapa rin ng pandemya, kabilang ang transportasyon, agrikultura, kalusugan, mga senior citizen at mga maliliit na negosyo.

Paulit-ulit ding sinasabi ni Cayetano na hindi matatawag na dole out ang bagay na ito dahil kung gagamitin nang maayos ang perang ibibigay sa ating mga kababayan, ito ay makakapag- umpisa na ng maliit na kabuhayan o negosyo. Puwede nang pang-ahon ang halagang ito para sa mga kababayan nating hanggang ngayon ay ‘di pa nakakabawi sa delubyong idinulot ng pandemyang COVID-19. Kaysa naman utay-utayin ng gobyerno ang pag-ayuda sa mga tao sa pamamagitan ng pantawid na halaga.

Nakasaad sa naturang panukalang batas na noong 2020 ay bumulusok ng 9.5% ang Gross Domestic Product ng bansa, samantalang tumaas naman ng 17.7% ang unemployment rate. Katumbas ito ng 7.3 milyong Pilipino na nawalan ng trabaho, ang pinakamataas na bilang sa loob ng 15 taon. Noong Agosto 2021 naman, humarap ang bansa sa inflation rate na 4.9%, na siyang pinakamabilis na pagtaas ng presyo ng bilihin sa loob ng dalawang taon.

Upang maipatupad ang mandatory savings ng mga ahensiya ng pamahalaan, nakasaad sa panukala ang streamlining o ang pagtukoy sa mga aktibidad ng gobyerno na makikitang hindi mahalaga sa paghahatid ng serbisyo-publiko. Maaaring baguhin ang saklaw ng mga ito o ‘di kaya’y tanggalin nang tuluyan, batay sa mga civil service rules at mga regulasyon.

Simple lang naman ang nais ni Cayetano ito ay upang patuloy na matulungan ang ating mga kababayan na hirap pa hanggang sa ngayon. Oo nga’t hindi na katulad ng dati ang paglaganap ng COVID-19 sa ating bansa, isa pa rin itong “continuing threat” dahil may bago na namang variant na naitatala sa ibang panig ng mundo kaya tuloy-tuloy lang dapat ang pag-ayuda sa mga mamamayang Pilipino na pinangunahan na ni Cayetano sa pamimigay ng P10K ayuda at 3,500 na dagdag puhunan sa mga sari-sari store at karinderya.

Sana ay huwag bitawan ng gobyerno ang pagtulong sa ating mga kababayan. Ngayon higit sa lahat mahalagang tuloy-tuloy ang pagdamay sa kanila ng isang pamahalaang maaasahan at masasandigan ng ating mga kababayan.