(Aprub hanggang Disyembre 29) TAX AMNESTY SA TRADERS, REAL PROPERTY OWNERS

IPINASA at inaprubahan ng Pasay City Council ang isang ordinansa na nagbibigay ng amnestiya sa mga negosyante at real property owner sa pagbabayad ng buwis ng hanggang Dis­yembre 29 lamang.

Ang inaprubahan ordinansa ng City Council ay nagbibigay ng amnestiya sa surcharges, penalties at interes dahil sa hindi agad nabayarang business taxes, real property taxes, regulatory fees at iba pang fees at charges.

Ang nasabing amnestiya sa mga negosyo at real property owner ay bunsod sa naranasang pandemya ng COVID-19 na malaki ang naging epekto sa ekonomiya ng bansa na nagdulot ng pagkalugi at pagsasara ng mga negosyo at hindi pagbabayad ng obligasyon sa buwis.

Kaya’t panawagan sa negosyante at real pro­perty owners na samantalahin ang iniaalok na tax amnesty ng lokal na pamahalaan para makasabay sa mabagal na pagbubukas ng ekonomiya sa lungsod.

Ang naturang ordinansa ay sumasakop sa mga nagmamay-ari ng real properties na sa unang pagkakataon ay subject sa back taxes gayundin sa mga nagmamay-ari ng mga delinquent real pro­perty (land, building o machinery) na mayroon man o walang notice of delinquency.

Ang mga lumabag naman sa batas trapiko, parking at iba pang lumabag sa ordinansa na hindi pa nakakapagbayad ng kanilang mga multa ay kailangan lamang na mag-aplay ng kanilang unang penalty sa paglabag habang ang mga sumunod na paglabag sa trapiko ay itinuturing na waived.

Kabilang din na nasasakop ng inaprubahang ordinansa ay ang mga may transaksyon sa pagkuha ng lisensya, permit at lahat ng iba pang serbisyo sa lungsod kasama ang monthly amortizations ng Urban Deve­lopment Housing Office (UDHO) recipient awardees. MARIVIC FERNANDEZ