(Aprub kay Duterte) P200 MONTHLY AYUDA SA MAHIHIRAP

INAPRUBAHAN ni Presidente Rodrigo Duterte ang pagkakaloob ng P200 monthly cash aid sa mahihirap na pamilya sa buong taon para mapaagaan ang epekto ng fuel price hikes.

Sinabi ni acting presidential spokesperson Martin Andanar sa isang briefing sa Palasyo na inaprubahan ni Duterte ang dalawang rekomendasyon ng  Department of Finance (DOF) sa gitna ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Ayon kay Andanar, inaprubahan ng Pangulo ang rekomendasyon ng DOF na magkaloob ng karagdagang ayuda sa mahihirap na pamilya at panatilhin ang excise tax sa fuel products sa gitna ng oil price increases.

Ipinanukala ito ni Finance Secretary Carlos Dominguez III sa  televised Cabinet meeting noong Martes na ipinalabas Miyerkoles ng umaga.

“This is our firm recommendation, Mr. President. One, to retain the fuel excise tax imposed under TRAIN Law because we already budgeted it for salaries of school teachers; Build, Build, Build program; and other expenses,” sabi ni Dominguez.

Ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion law ay nagpapataw ng excise tax na P10 per liter para sa gasolina, P6 sa diesel, P5 sa kerosene, at P3 per kilogram sa liquefied petroleum gas (LPG).

Kaugnay nito, sinabi ni Dominguez na inirerekomenda nila ang pamamahagi ng unconditional cash transfers na P200 sa bawat mahirap na pamilya, na may kabuuang P2,400 sa buong taon. May 12 million households o 70 million individuals na benepisyaryo, ang cash aid ay magkakahalaga, aniya, ng P33.1 billion.

“This is a little more  than what authorities expect to collect from additional value-added tax (VAT) on fuel given higher prices,“ ani Dominguez.

“We realize that this is not enough but this is what we can afford as of this time. To make sure that our finances going forward, and especially for the next administration, are still going to be healthy, this I believe is what we can afford,” sabi ni Dominguez sa panukalang ayuda.

Inirekomenda rin ni Socioeconomic Planning Secretary Karl Chua ang naturang ayuda sa mahihirap na pamilya.

“Nagawa na po natin under TRAIN Law, so may experience na po tayo, may listahan na po tayo. At sila ay tutulungan muli natin para hindi po sila mahirapan,” paliwanag ni Chua.