(Aprub kay PBBM) P12.7-B CASH AID SA RICE FARMERS

FARMERS-3

IPINAG-UTOS ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagpapalabas sa P12.7 billion para pondohan ang Rice Farmers Financial Assistance (RFFA) Program na naglalayong tulungan ang maliliit na rice farmers sa gitna ng banta ng El Nino at iba pang agricultural challenges.

Sa isang statement, sinabi ni Communication Secretary Cheloy Garafil na inaprubahan ng Pangulo noong Huwebes ang funding requirements para sa RFFA.

Nasa 2.3 million na maliliit na rice farmers ang mabibiyayaan ng programa kung saan tatanggap ang bawat isa sa kanila ng P5,000 financial aid.

Ayon kay Garafil, ang naturang mga magsasaka ay nakalista sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) hanggang June 30.,

“The RFFA is an unconditional financial assistance for farmers tilling below two hectares of land as mandated under Republic Act (RA) No. 11598, or the Cash Assistance to Filipino Farmers Act of 2021,” aniya.

Ang mga benepisyaryo ay kinabibilangan ng mga nasa farm cooperatives associations (FCAs), irrigators associations (IAs), agrarian reform beneficiary organizations (ARBOs), small water impounding systems associations (SWISAs), at iba pang farm groups.

Ang pondo ay kinuha sa sobrang tariff collection mula sa rice importations noong 2022.

Sinabi ng Pangulo na ang programa ay makatutulong sa rice farmers na makayanan ang tumataas na production cost at maipagpatuloy ang kanilang productivity sa gitna ng ilang hamon, kabilang ang El Niño phenomenon.

Samantala, inaprubahan din ng Pangulo ang paggamit sa P700 million na sobrang tariff collections para sa “Palayamanan Plus” conditional cash transfer sa ilalim ng Household Crop Diversification Program.

Ayon kay Garafil, ang mga benepisyaryo ay kinabibilangan ng RSBSA-registered farmers na nakatala rin sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Aniya, nasa 78,000 magsasaka ang inaasahang tatanggap ng Palayamanan Plus conditional cash transfer na P10,000 para matiyak na magkakaroon sila ng “food, nutrition, at income security.”

(PNA)