(Aprub na kay Duterte) P2.5-B PANTAWID PASADA PROGRAM

INAPRUBAHAN na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang P2.5 bilyong Pantawid Pasada Program na inirekomenda ng Department of Energy (DOE).

Ito ay para maayudahan ang mga tsuper sa mga pampublikong sasakyan sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo dahil sa tensiyon sa pagitan ng Ukraine at ng Russia.

Ayon kay Cabinet Secretary at acting presidential spokesman Karlo Nograles, inaprubahan din ng Pangulo ang P500 milyon na fuel discount program para sa mga magsasaka at mga mangingisda.

“On the supply of oil, the President approved the recommendations of the Department of Energy (DOE)  to implement the P2.5-B Pantawid Pasada, and P500-M fuel discount program for farmers and fisherfolks,” pahayag ni Nograles.

Ayon kay Nograles, patuloy na magbabantay ang DOE para tiyakin na sapat ang suplay ng produktong petrolyo sa bansa.

“The DOE will continue to monitor the sufficiency in supply and quality and will make sure there will be no short selling,” ani Nograles.

Sa ika-9 na sunod na linggo ay muling tumaas ang presyo ng petrolyo nitong Martes at inaasahang sisirit pa ito sa mga susunod na linggo dahil sa limitadong supply at umiigting na tensiyon sa pagitan ng Russia at Ukraine.

Sa datos ng DOE, ang presyo ng petrolyo sa Metro Manila ay pumalo na sa  average na P66 kada litro para sa  gasolina, P55 kada litro sa diesel at P59 kada litro sa kerosene.

Hinihimok din ng Palasyo ang Kongreso na rebyuhin ang Oil Deregulation Law.

“For the medium-term, we call on Congress to review the Oil Deregulation Law, particularly provisions on unbundling the price, and the inclusion of the minimum inventory requirements in the law, as well as giving the government intervention powers/authority to intervene when there is a spike and/or prolonged increase of prices of oil products,” pahayag ni Nograles.

Para sa medium-term measures, dapat din aniyang may strategic petroleum reserve infrastructure, mayroong Minimum Inventory Requirements (MIR) at isulong ang  energy conservation at efficiency.

“The President further approved the recommendations of the Department of Trade and Industry (DTI) to accelerate renewable energy adoption, support investments in Utility Scale Battery Storage to maximize utilization of renewable energy sources, support investments in modern storage facilities for oil and grains to increase within-the-border holding capacity and empower the private sector to help in strategic stockpiling,” dagdag ni Nograles. EVELYN QUIROZ