NILAGDAAN na ni Presidente Rodrigo Duterte bilang isang batas ang panukala na nag-aamyenda sa Foreign Investments Act, na lalong nagbubukas sa ekonomiya sa foreign investors.
Ang Republic Act 11647 na nilagdaan noong Marso 2 ay naglalayong luwagan ang foreign equity restrictions sa ilang sektor.
Sa ilalim ng batas, ang mga dayuhan na may kinalaman sa export enterprises ay maaari na ngayong makakuha ng 100% ownership sa mga lugar sa labas ng foreign investment negative list.
“Foreign investors can also shell out capital to hold as much as 100% equity in domestic enterprises,” ayon pa sa batas.
Hinihikayat din ng batas ang maliliit na players na mag-invest sa local market sa pagluluwag sa mga tuntunin sa direct hires, pagbawas sa direct employees mula 50 sa hindi bababa sa 15 Filipino employees.
Sa ilalim ng amended Foreign Investments Act, isang Inter-Agency Investment Promotion Coordination Committee (IIPCC) ang lilikhain para mapabilis ang panghhikayat sa foreign investments sa bansa.
Ang IIPCC ay pamumunuan ng Department of Trade and Industry (DTI).
Ipinag-uutos din ng batas ang paglalaan ng P50 million sa IIPCC para sa paggampan nito sa tungkulin.
Ang budget ay magmumula sa contingent fund ng General Appropriations Act para sa kasalukuyang fiscal year.