INAPRUBAHAN na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panukalang P6.352-trillion national expenditure program (NEP) para sa taong 2025.
Ito ay para masuportahan ang Philippine Development Plan 2023-2028 ng administrasyon.
Prayoridad ng panukalang budget ang food security, social protection, healthcare, housing, disaster resilience, infrastructure, digital connectivity, at energization.
Pinuri ng Pangulo ang presentasyon ni Department of Budget and 1 (DBM) Secretary Amenah Pangandaman sa panukalang national budget para sa 2025 sa ginanap na Cabinet meeting sa Malakanyang.
“Since I’ve seen it before on the macro level, I think the priorities in terms of our proposed appropriations, upon addressing it, weighted our priorities properly in terms of appropriations,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Pinakamalaking makakakuha ng pondo ang edukasyon (DepEd, SUCs, CHED, TESDA), public works (DPWH), health (kasama ang PhilHealth), interior and local government (DILG), at defense (DND).
Prayoridad din ng gobyerno ang social welfare (DSWD), agriculture (DA) and attached corporations, Department of Agrarian Reform (DAR), Department of Transportation (DOTr), judiciary, at justice.
Ang may pinakamalaking parte ng budget ay mapupunta sa maintenance and other operating expenses, na sinundan ng personnel services, capital outlays at financial expenses.
Ang magiging alokasyon na lamang sa bawat departamento at ahensiya ang muling ihahayag ng pamahalaan at bubusisiin sa Kongreso hanggang sa maging batas.
EVELYN QUIROZ