(Aprub na sa House panel)TOBACCO SMUGGLING BILANG ECONOMIC SABOTAGE’

LUSOT na sa House Committee on Agriculture and Food ang House Bill 3917 o ang panukalang batas na magtuturing sa tobacco smuggling bilang isang uri ng economic sabotage.

Kasabay nito, isang technical working group ang pinabubuo ni Quezon 1st. Dist. Rep Mark Enverga, chairman ng nasabing komite, para siyang bumalangkas ng committee report na isasalang sa plenaryo ng Kamara.

Sa ilalim ng HB 3917, pinaaamyendahan ang Republic Act No. 10845 o ang Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016, partikular ang pagsama sa tobacco smuggling sa hanay ng economic sabotage.

Kapag ganap na naging batas, ang ilegal na pagpuslit sa bansa ng tobacco products ay papatawan ng parusang habambuhay na pagkakakulong at multa na katumbas ng doble sa halaga ng produktong ipinuslit kasama ang buwis, duties at iba pang charges.

Pagbibigay-diin nina Puwersa ng Bayaning Atleta party-list Rep. Margarita Nograles at Presidential son, Ilocos Norte Rep. Ferdinand ‘Sandro’ Marcos, marapat lamang na pagtuunan ng pansin ng pamahalaan ang talamak na tobacco smuggling.

Ayon pa kay Nograles, bilyon-bilyong piso ang nawawala sa gobyerno dahil sa smuggling ng tobacco products, na kung hindi mapipigilan ay tiyak pipilay rin sa local tobacco industry.

Isiniwalat din nina Nograles at Marcos na nasa 10 porsiyento ng mga ibinebentang sigarilyo sa bansa ngayon ay mula sa smuggling.

ROMER R. BUTUYAN