(Aprub na sa Kamara) 10% DISCOUNT SA KORYENTE, TUBIG SA SENIORS

PINAGTIBAY na sa ikatlo at huling pag- basa ang panukalang batas na naglalayong bigyan ang mga senior citizen ng mataas na diskwento at ilibre sa pagbabayad ng VAT sa singil sa koryente at tubig.

Sa botong 203 na pabor at walang tumutol ay inaprubahan na ang House Bill 10568.

Ang panukala ay nag-aamyenda sa Section 4 ng Republic Act 7432 o ang Expanded Senior Citizens Act of 2021.

Sa panukala ay itataas sa 10% ang diskwento sa buwanang binabayarang koryente at tubig ng mga senior citizen  at i-e-exempt din ang mga ito sa pagbabayad ng VAT.

Kabilang sa requirements para maka-avail ng discount at exemption sa VAT ang isang nakatatanda ay nakarehistro sa pangalan niya ang metro ng koryente at tubig, at hindi naman hihigit sa 150 kWh ang konsumo sa koryente habang hanggang 30 cubic meters naman sa tubig.

Ang nasabing pribilehiyo ay para sa kada pamilya kahit ilan pa ang senior citizen, at kung ang rehistradong nakatatanda ay patuloy na nakatira sa naturang tahanan o address.  CONDE BATAC