(Aprub na sa Kamara) AUTOMATIC REFUND PARA SA TELCO SERVICE OUTAGES

telco

LUSOT na sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang House Bill No. 9021 o ang “Refund for Internet and Telecommunications Services Outages and Disruptions Act” na naglalayong mabigyan ng refund o balik-bayad ang mga internet user na makararanas ng palpak na serbisyo.

Nasa 278 kongresista at wala kahit isa ang tumutol sa pagsalang sa plenaryo ng Kamara para sa ikatlo at huling pagbasa ng naturang panukalang batas.

“Stable Internet is tantamount to a basic human right nowadays given its many applications that make life easier.

And since this is paid service, getting a refund for service failure is only just,” pagbibigay-diin ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez hinggil sa kahalagahan ng HB 9021.

Umaasa rin si Romualdez na sa pamamagitan ng pagsusulong sa proposed measure na ito ay magiging mas responsable at pagbubutihin ng mga telco ang kanilang serbisyo sa sambayanang Pilipino.

Sa ilalim ng panukala, ang public telecommunications entities (PTE), gayundin ang mga internet service provider (ISP), ay inaatasang magbigay ng refund credit sa mga customer na mawawalan ng internet service sa loob ng 24 oras sa bawat buwan.

Ang pagkawala ng internet service sa loob ng isang buwan ay maaaring pagsasama-samahin at ang customer ay mabibigyan ng refund kung aabot ang kabuuan nito sa 24 oras kung saan ang refund ay pro-rated o depende sa haba ng service interruption.

Hindi naman kasama sa ire-refund ang mga scheduled maintenance na ipinaalam sa customer 48 oras bago ipinatupad. Hindi rin maaaring tumagal ng 48 oras ang scheduled maintenance kada buwan; o kaya’y ang dahilan ng pagkawala ng serbisyo ay mula sa hindi inaasahang pangyayari o kung ito ay kagagawan ng third party o ng subscriber.

Ang credit ay awtomatikong ibibigay ng PTEs at ISPs na hindi na kailangan pang hingin ng subscriber. Hindi naman ito maaaring gamiting balakid sa paghahain ng reklamo ng subscriber kung sa kanyang palagay ay kulang ang ibinigay na refund sa kanya. Saklaw rin ng panukala ang mga prepaid subscriber.

May kaakibat na parusa sa mga lalabag kabilang ang multa na ₱50,000 hanggang ₱200,000 sa bawat paglabag. Habang ang mga PTE at ISP na paulit-ulit na lumalabag ay maaaring alisan ng lisensiya, rehistro, o prangkisa.

Samantala, nakasaad din sa HB 9021 na ang National Telecommunications Commission (NTC), sa pakikipagtulungan sa Department of Information and Communications Technology (DICT) at iba pang ahensiya ang inatasang lumikha ng rules and regulations na kailangan sa pagpapatupad nito kapag ganap na naging batas.

ROMER R. BUTUYAN