(Aprub na sa Kamara) DENTISTS, MED TECHS ISASABAK SA PAGBABAKUNA

bakuna

APRUBADO na sa House Committee on Health ang panukalang gawing vaccinators ang mga registered dentist at licensed medical technologist sa bansa para sa pagpapalakas pa sa COVID-19 vaccination program ng pamahalaan.

Sa inaprubahang House Bill 9354 ay inaamyendahan ang RA 11525 o ang COVID-19 Vaccination Program Act of 2021 kung saan bukod sa mga doktor, nurse at trained pharmacist, idadagdag na rin sa mga vaccinator ngayong may COVID-19 pandemic ang mga dentista at medical technologist.

Naniniwala si Quezon Rep. Angelina ‘Helen’ Tan, isa sa mga may-akda ng panukala, na mas magiging epektibo, episyente at mabilis ang pag- roll out ng COVID-19 vaccines sa bansa lalo pa’t inaasahan ang pagdating pa ng mas maraming bakuna.

Nilinaw naman ni Tan na limitado lamang ang dagdag na functions ng mga dentista at medical technologist bilang vaccinators.

Ang mga dentista at med tech ay titiyaking sumailalim muna sa pagsasanay ng Department of Health (DOH) tulad ng ibang mga medical personnel bago isabak sa pagbabakuna.

Nilinaw rin ni Tan na hindi mandatory para sa mga dentista at med tech ang pagsasagawa ng inoculation ngayong pandemya matapos na tutulan ito noong una ng PRC-Board of Medical Technology.

Suportado naman ng DOH at health organizations tulad ng Board of Dentistry, Philippine Medical Association, Philippine Pharmacy Association, at iba pa ang panukala na mapalawig ang kanilang tungkulin para makatulong sa paglaban sa COVID-19. CONDE BATAC

5 thoughts on “(Aprub na sa Kamara) DENTISTS, MED TECHS ISASABAK SA PAGBABAKUNA”

Comments are closed.