PINAGTIBAY na sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 8259 na naglalayong bigyan ng tax relief ang mga medical front liner na nagsisilbi ngayong may COVID-19 pandemic.
Sa botong 235 at wala namang pagtutol ay nakalusot na sa plenaryo ng Kamara ang Handog sa mga Bayaning Lumaban Kontra COVID-19 Act na iniakda ni Albay Rep. Joey Salceda.
Layunin ng panukala na kilalanin at pasalamatan ng gobyerno ang mga medical frontliner sa kanilang natatanging serbisyo sa panahon ng pandemya.
Sa ilalim ng panukala, bibigyan ng 25% discount sa kanilang income tax ang mga medical professional na nagbibigay serbisyo ngayong may pandemya.
Sakop ng benepisyong ito hindi lamang ang mga doctor at nurse kundi pati ang ibang medical frontliners tulad ng mga administrative employee, support personnel at staff ng medical institutions anuman ang kanilang employment status.
Hindi naman kasama sa panukalang tax relief ang mga kita ng medical frontliner na mula sa mga negosyo, investment, at iba pang uri ng passive income na walang kinalaman sa pagsisilbi, gamutan, pangangalaga at pagtulong sa mga COVID-19 patient.
Sa oras na maging batas ay inaasahang P2.3 billion ang mababawas sa kita ng pamahalaan sa taxable year 2020 pero sulit naman dahil mahihikayat ang mga medical professional na maging frontliners na sakto naman sa pag-dating ng mga bakuna kontra COVID-19. CONDE BATAC
Comments are closed.