PASADO na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang panukalang pag-amyenda sa Republic Act (RA) No. 10845 o ang Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016, partikular ang pagsama sa large-scale agricultural smuggling ng tobacco at iba pang tobacco products bilang isang uri ng economic sabotage.
Sa 225 boto, kinatigan ng mga kongresista ang House Bill No. 3917 na nagtatakda sa pagbabago sa nilalaman ng Section 3 ng nasabing batas, kung saan tinutukoy ang mga kaso ng large-scale agricultural smuggling.
Nabatid kina House Senior Deputy Majority Leader Ferdinand Alexander A. Marcos (Ilocos Norte 1st. Dist) PBA party-list Rep, Migs Nograles, Dasmariñas City Rep. Elpidio, Batangas 2nd Dist. Rep. Jinky Bitrics Luistro, Ilocos Sur Rep. Ronald Singson at House Committee on Agriculture and Food Chairman Rep. Mark Enverga, kabilang sa mga principal sponsor, na ituturing bilang isang uri ng economic sabotage ang ilegal na pagpasok sa bansa ng manufactured o unmanufactured, finished products gaya ng cigars, cigarettes o heated tobacco products na may minimum excise tax at VAT payable sa halagang P1 million.
Dagdag pa ng mga kongresista, sa ilalim ng kasalukuyang batas, ang naparurusahan lamang at maituturing bilang large-scale smuggling ay ang pagpupuslit ng sugar, corn, pork, poultry, garlic, onion, carrots, fish, at cruciferous vegetables, pawang sa ilalim ng raw state nito o kaya’y sumailalim sa simple processes o preservation para maibenta sa pamilihan, na aabot sa halagang P1 million; habang sa bigas naman ay sa minimum amount na P10 million.
Sa ilalim ng nasabing panukalang batas, papatawan ng kaparusahan ang broker, agent, facilitator, forwarder, o warehouse lessor ng lumabag na importer; maging ang pumayag na magamit ang kanilang private port, fish port, fish landing site, resort o airport para maisagawa ang large scale smuggling ng tobacco products gaano man ito karami.
Inaamyendahan din ng HB 3917 ang Section 4 ng RA 10845 kung saan itinatakda ang pagpapataw ng parusang pagkakakulong ng 30 hanggang 40 taon at multa na katumbas ng doble ng halaga ng fair value at pinagsamang halaga ng taxes, duties at iba pang bayarin ng smuggled tobacco products.
ROMER R. BUTUYAN