INAPRUBAHAN ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) sa Cordillera Administrative Region (CAR) ang P40 wage increase sa rehiyon, na nagtataas sa daily minimum wage sa P470 mula P430.
Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), ang wage order ay pinagtibay ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) at magiging epektibo sa Disyembre 24, 2024.
Inaprubahan din ng RTWPB ang P1,100 monthly increase para sa mga kasambahay sa rehiyon, na nagtataas sa monthly minimum wage sa P6,000 mula P4,900.
Nasa P35 naman ang inaprubahang dagdag sa minimum wage ng RTWPB MIMAROPA, na nagtataas sa daily minimum wage sa mga establisimiyentong may 10 workers at higit pa sa P430 mula P395, habang ang mga establisimiyento na may mas mababa sa 10 ang manggagawa ay tataas sa P404 mula P369.
Inaprubahan din ang P1,000 monthly increase para sa mga kasambahay kaya ang monthly minimum wage ng sektor ay magiging P6,500 na.
Epektibo ang wage order sa Disyembre 23, 2024.
“The wage orders are expected to directly benefit a total of 74,961 minimum wage earners in these two regions,” ayon sa DOLE.
“The wage increases for kasambahays are also expected to benefit a total of 40,116 domestic workers—approximately 25% (10,002) of whom are on live-in arrangements,” dagdag pa ng ahensiya.
Noong Mayo ay sinabi ni DOLE Secretary Bienvenido Laguesma na sisimulan ng ilang regional wage boards ang pagrepaso sa wage orders makaraang ipag-utos ni Presidente Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagrebyu sa minimum wage rates sa bawat rehiyon.
Sinabi ni Laguesma na inaasahan ng DOLE na matatapos ng lahat ng RTWPBs sa bansa ang kanilang pagrebyu bago matapos ang taon. LIZA SORIANO