(Aprub na sa Senado) MORATORIUM SA PAGBABAYAD NG RENTA

INAPRUBAHAN na ng Senate Committee on Trade and Commerce ang panukalang batas na nagtatakda ng moratorium sa pagbabayad ng upa o renta at pagpapalayas sa mga umuupa sa bahay at maliliit na negosyo kapag may emergency at kalamidad.

Ito ay ang Senate Bill 1525 o ang Rental Payment and Eviction Moratorium During Disasters and Emergencies Act na inihain ni Senador Lito Lapid

Sinabi ni Senador Koko Pimentel III, chairman ng naturang komite, na hihimayin ang nasabing panukala sa Technical Working Group at kasunod nito ay ihaharap na niya sa plenaryo.

Sa ilalim ng panukala ay ipatutupad ang moratorium o hindi muna pagbabayarin ang umuupa sa residential unit sa buong panahon ng state of calamity o state of emergency tulad ng COVID-19 pandemic.

Pagbabayarin na lamang ng upa sa anim na buwan na installment kapag natapos na ang state of calamity o state of emergency .

Ipatutupad din ang moratorium sa upa o renta sa commercial at office spaces ng micro small and medium enterprises (SMEs) na mapipilitang tumigil sa operasyon dahil sa quarantine orders ng gobyerno.

Ang kalihim ng Department of Trade and Industry (DTI) ang dedetermina kung kwalipikado sa moratorium ng upa ang SMEs, habang ipagbagbawal naman sa panahon ng emergency at kalamidad ang pagpapalayas o eviction sa umuupa. LIZA SORIANO

Comments are closed.