INAPRUBAHAN ng Senado sa ikatlo at pinal na pagbasa ang SIM Card Registration Act na naglalayong pigilan ang paglaganap ng subscriber identity module (SIM) card-aided fraud.
“Nasa sentro ng panukalang ito ang pagsusulong ng seguridad ng bansa. Napapanahon na ito, lalo na’t talamak sa bansa ngayon ang iba’t ibang krimen na isinasagawa sa pamamagitan ng teknolohiya,” paliwanag ni Poe sa kanyang pagboto sa panukala.
Ang Senate Bill No. 2395 ay nag-aatas sa lahat ng pampublikong telecommunications entity na gawin ang pagpaparehistro ng lahat ng SIM card bilang isang paunang kinakailangan sa kanilang pagbebenta kung saan ang mga subscriber ay dapat magsumite ng registration form at magpakita ng valid na identification card.
Pinarurusahan din nito ang paggamit ng mga pekeng pagkakakilanlan upang irehistro ang mga SIM card, spoofing, at ang hindi awtorisadong pagbebenta ng mga nakarehistrong SIM card.
Tinukoy rin ni Poe ang insidente ng hacking noong nakaraang linggo kung saan 700 ang naging biktima rito bilang hudyat na kailangan na ng agarang pagpapatupad ng batas na magbibigay ng mas matinding seguridad sa mga consumer.
“Ang panukalang ito ay nagtatatag ng karagdagang proteksiyon at seguridad para sa mga Pilipino at sana ay makapigil sa mga kriminal na gawin ang kanilang masasamang plano. Panahon na para palakasin natin ang sarili nating mga imprastraktura upang matugunan ang mga banta sa seguridad,” ani Poe.
Tiniyak ni Poe na ang panukala ay ginawa nang may pagpapahalaga sa karapatan sa pagkapribado ng mga mamimili kung saan titiyakin ng National Telecommunications Commission na ang sentralisadong pagpapatala ng SIM card ay ginagawa alinsunod sa Data Privacy Act. VICKY CERVALES