(Aprub ng Palasyo) PA-BIGAS SA GOV’T EMPLOYEES

MABIBIYAYAAN ng one-time rice allowance ang mga kawani ng pamahalaan partikular ang nasa Executive Department.

Ito ay nang lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang administrative order kung saan nakasaad ang pagbibigay ng service recognition incentive (SRI) para sa mga kawani ng Executive Department at one-time rice allowance sa lahat ng empleyado ng gobyerno ngayong taon.

Ang One-Time SRI ay hindi dapat lalampas sa P20,000 kada empleyado ng Executive Department.

Maaari ring makatanggap ng SRI ang mga civilian personnel ng national government agencies (NGAs), kasama na ang state universities and colleges (SUCs), government-owned and controlled corporations (GOCCs), regular, contractual o casual employees, mga sundalo at pulis, kasama na rin ang fire and jail personnel ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Kasama rin sa mga dapat makatanggap ang mga naglilingkod sa Bureau of Corrections (BuCor), Philippine Coast Guard (PCG), at National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA).

Pwede ring magbigay ng SRI ang mga lokal na pamahalaan sa kanilang mga kawani subalit depende ito sa kanilang kakayahang pinansyal.

Samantala, sa hiwalay na kautusan ng Pangulo, pinagtibay nito ang pagbibigay ng one-time rice assistance para sa mga kawani ng gobyerno bukod sa mga regular, contractual, at casual employees kasama rin ang mga indibidwal na nasa ilalim ng job order (JO) at contract of service (COS). EVELYN QUIROZ