(Aprub sa ADB) $303-M LOAN PARA SA PH FLOOD CONTROL

INAPRUBAHAN ng Asian Development Bank (ADB) ang $303 million loan para sa pag-upgrade at konstruksiyon ng flood protection infrastructure sa tatlong major river basins sa bansa.

Sa ulat ng ABS-CBN News, sinabi ng ADB na sasaklawin ng pautang ang anti-flood infrastructure para sa Abra River basin sa Luzon, at Ranao/Agus at Tagum–Libuganon river basins sa Mindanao.

“The infrastructure takes into account future climate change impacts, and incorporates nature-based solutions such as restoring and reconnecting old river channels for natural drainage and reinforcing riverbanks with mangroves and vegetation planting,” sabi ng multilateral lender.

Sinabi ni ADB Senior Water Resources Specialist Junko Sagara na ang tatlong river basins ay “highly vulnerable” sa climate-related hazards. Aniya, mababawasan ng proyekto ang mga panganib at mapagbubuti ang livelihood opportunities para sa 22 local government units at 150 barangays.

Tutulungan din ng proyekto ang mga komunidad na ma-update ang kanilang climate at disaster risk assessments at maisama ang flood risk management sa local development plans.

Gayundin ay sasanayin ang mga residente sa managing flood risks, ayon sa ADB.

Sa isang pag-aaral noong 2019, ang Pilipinas ay nanguna sa listahan ng mga bansa na ‘most susceptible’ sa panganib na dulot ng climate change.