NAKATAKDANG magpautang ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ng panibagong P300 billion sa pamahalaan bilang budgetary support sa patuloy na pagtugon ng bansa sa epekto ng COVID-19 pandemic.
Sa isang virtual briefing nitong Huwebes, sinabi ni BSP Governor Benjamin Diokno na inaprubahan ng Monetary Board (MB) ang provisional advance noong December 16, 2021 makaraang mabayaran nang buo ng national government ang P540-billion outstanding obligation nito noong December 10, 2021.
“In approving the national government’s request, the Monetary Board recognized that fiscal authorities still need to continue using available policy space in order to support the economic recovery,” sabi ni Diokno.
Ang bagong provisional advance ay walang interest, kasunod ng naunang loan na may extended maturity sa January 12, 2022.
Inihayag ni Diokno noong nakaraang taon na nakahanda ang central bank na ipagamit ang lahat ng tools na kinakailangan para mapahina ang economic slowdown na dulot ng pandemya.
Ang BSP ay nakapagpahiram na ng P540 billion sa gobyerno noong July, bilang budgetary support sa kinakaharap na fiscal deficit ng bansa sanhi ng pandemya.
Nauna na rin nitong inaprubahan ang dalawang loans na nagkakahalaga ng tig- P540 billion sa national government noong December 2020 at October 2019.
“These interventions are especially crucial to sustain the economy’s momentum given the significant downside risks to growth linked to the spread of new COVID-19 variants,” ani Diokno.