INAPRUBAHAN ng Commission on Elections (Comelec) nitong Miyerkoles ang kahilingan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na i-exempt ang fuel subsidies sa spending ban.
Ang exemption ay pinayagan sa harap ng ban na ipinatutupad para sa barangay and Sangguniang Kabataan elections (BSKE) sa susunod na buwan.
Naunang sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na nakatanggap ang poll body ng kahilingan para sa exemption.
Ipinagbawal ng Comelec ang paggamit ng public funds para sa social services and development mula Sept. 15 hanggang 30 kaugnay sa BSKE na gaganapin sa October 30.
“Ang commitment natin ilalabas natin ngayong araw (kahapon) ang exemption na ‘yan,” said Garcia.
“Hindi natin patatagalin sapagkat kailangang-kailangan ‘yan ng ating mga kababayan na nagmamaneho ng pampublikong sasakyan. Hindi tayo magiging burden sa kanila,” dagdag pa niya.
Ayon kay Garcia, ang lahat ng klase ng tulong para sa publiko ay agad na aaprubahan.
“Basta lahat ng klase ng social service na makakatulong sa ating mga kababayan, kahit hindi ko pa nababasa, that will be approved,” aniya.