TINANGGAP ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang P1 bilyong pondo para sa disaster-related infrastructure projects nito, ayon sa Department of Budget and Management (DBM).
Ang pondo ay inilabas makaraang aprubahan ni DBM Secretary Amenah Pangandaman noong Nob. 27 ang kahilingan ng DPWH para sa isang Special Allotment Release Order (SARO).
Ayon sa DBM, ang SARO ay magiging valid for obligation hanggang Disyembre 31, 2025.
Binanggit ni Pangandaman ang kahalagahan ng pagkakaloob sa DPWH ng kinakailangang pondo upang mapalakas ang rehabilitation at restoration efforts nito upang maging “episyente at higit na matatag” ang imprastruktura ng bansa.
“Nang tumama po ang sunod-sunod na kalamidad sa bansa, isa ang DPWH sa mga frontline agencies na naubos ang pondo para sa relief at rehabilitation efforts. Kaya po noong mag-request ang DPWH ng dagdag pondo, agad po natin ‘yang ginawan ng paraan,” aniya.
“As directed by President (Ferdinand) Bongbong (R.) Marcos (Jr.), we shall continue to ensure that we provide needed support to crucial initiatives aimed at mitigating the impact of natural calamities,” dagdag pa ni Pangandaman.
Para sa 2024, kabuuang P22.736 billion ang inilaan para sa National Disaster Risk Reduction and Management Fund (NDRRMF).
May P22.479 billion na ang ipinalabas sa mga kinauukulang national government agencies, kabilang ang DPWH, Department of Social Welfare and Development, Department of Human Settlements and Urban Development, Department of National Defense, Department of Finance, Department of Agriculture, Department of the Interior and Local Government, at iba pang Government Owned and Controlled Corporations, hanggang noong Huwebes.
Nasa P13.888 billion ng ipinalabas na pondo ang ginamit upang dagdagan ang Quick Response Fund ng government agencies.
Ang NDRRMF ay maaaring gamitin para sa aid, relief, at rehabilitation services sa mga komunidad/lugar; gayundin sa repair, rehabilitation at reconstruction works kaugnay sa naganap na natural o human induced calamities sa kasalukuyan o dalawang naunang taon.