APRUBADO na ng Department of Budget and Management (DBM) ang P303.5 milyon para pantustos sa pagpapagawa ng 120 classrooms sa buong bansa.
Ang nasabing halaga ay hiniling ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Education (DepEd) para punan ang kakulangan ng silid-aralan sa 21 lugar.
Binigyang-diin ni DBM Secretary Amenah Pangandaman na ang pagpopondo ay upang mapalakas ang education sector na magsusulong sa social and human development.
“Education is a chance for every Filipino to improve his or her quality of life. Education empowers us to achieve genuine prosperity as well. But it is also a shared responsibility to work together for the country to achieve complete economic healing and recovery. Let us continue to invest in education,” anang Budget Secretary.
Sinabi ni Pangandaman na ang paglalabas ng pondo ay bilang tugon sa mga direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pagandahin ang education facilities na magreresulta ng maayos na learning environment sa mga mag-aaral kasama ang remote at hard-to-reach areas.
“Bilin po ng Pangulo na dapat bigyan natin ng disente at secured na lugar ang ating mga estudyante at guro para maayos silang makapag-aral at makapagturo. Dapat equal po ‘yan at walang pinipiling lugar. Nasa Maynila ka man o sa malayong probinsya, dapat maayos ang education facilities para sa ating mga guro at estudyante,” ani Pangandaman.
Ayon sa DBM, inaprubahan ni Pangandaman ang kahilingan ng DPWH at DepEd makaraang makumpleto ang mga requirement para sa pagpapalabas ng pondo. Ang requirements ay kinabibilangan ng listahan ng mga eskuwelahan na inaprubahan ng DepEd Undersecretaries for School Infrastructure and Facilities, and Finance; Budget Execution Document No. 1-Financial Plan; Physical Plan; at Monthly Disbursement Program. Ang kabuuang appropriation para sa Special Provisions sa FY 2023 DepEd budget ng P15.7 billion ay ipinatutupad ng DPWH.
EVELYN QUIROZ