Sa isang statement, sinabi ng DBM na ang P4.13 billion Special Allotment Release Order (SARO) sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay makatutulong para mapagaan ang epekto ng inflation, lalo na sa most vulnerable households, sa pamamagitan ng Targeted Cash Transfer (TCT) Program.
Popondohan ng SARO second tranche ng TCT program at inaasahang mabibiyayaan ang mahigit sa apat na milyong benepisyaryo.
Sa pamamagitan ng programa, ang bawat subsidiary na hindi sakop ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ay tatanggap ng P500 kada buwan sa loob ng dalawang buwan. Ang mga benepisyaryo ay tutukuyin ng DSWD.
“Hangga’t kaya natin, patuloy po nating susuportahan ang mga programa ng pamahalaan na magbibigay-tulong sa ating mga kababayan. Sa kabila po ng pandemya at pagtaas ng presyo ng mga bilihin, patunay po ang ayudang ito na hindi po kayo pinababayaan ng gobyerno sa panahong kayo ay nangangailangan,” sabi ni DBM chief Amenah Pangandaman.
Noong nakaraang buwan, inamin ng DSWD ang kakulangan sa pondo para sa nalalabing tranche ng P500 monthly aid upang mapagaan ang epekto ng inflation.
Sinabi noon ni DSWD Secretary Erwin Tulfo na ikokonsulta niya sa DBM ang isyu.
Ang inflation ay sumirit sa 6.1% noong Hunyo, ang pinakamabilis sa loob ng halos apat na taon.