INAPRUBAHAN ng Department of Trade and Industry (DTI) ang kahilingan ng ilang manufacturers na itaas ang suggested retail prices (SRPs) sa mga produkto na nasa ilalim ng basic necessities and prime commodities (BNPC).
Gayunman, sinabi ni DTI Assistant Secretary Amanda Marie Nograles na maliit na porsiyento lamang o 63 items mula sa 217 shelf keeping units (SKUs) ang tataas ang presyo ngayong buwan.
Ayon kay Nograles, ang mga manufacturer ng 63 items ay humirit ng SRP hike dahil sa mas mataas na halaga ng raw materials at iba pang operation costs.
Aniya, ang average price increase ng SKUs ay 6 percent lamang, na mas mababa kumpara sa 10 percent average SRP hike sa pagitan ng 2022 at 2023.
“For the food items, the price adjustment is only around 25 centavos to P7.25 pesos,” ani Nograles.
Idinagdag pa niya na ang Executive Order 41 na inilabas ng Malacañang noong September 2023 at nagsususpinde sa koleksiyon ng pass-through fees ng local government units mula sa mga sasakyang naghahatid ng mga produkto, ay may epekto sa pagpapahupa sa price hike na inihirit ng mga manufacturer.
“If you will also look at the categories with price adjustments, not all brands and variants in each category have filed for notice of price adjustments,” aniya.
Kabilang sa BNPCs na magtataas ng SRPs ay canned sardines, processed milk, coffee, bread, instant noodles, bottled water, processed canned meat, canned beef, at condiments para sa food products, gayundin ang toilet soap, kandila at baterya para sa non-food items.
Sinabi ni Nograles na target ng ahensiya na ilabas ang bagong SRP bulletin ngayong buwan subalit maaantala ang pagpapatupad ng bagong SRPs dahil kailangan pang i-update ng manufacturers, groceries, supermarkets, at iba pang mga establisimiyento ang mga presyo sa kanilang systems. Ang DTI ay huling nag-update ng SRP bulletin noong Pebrero 2023.
(PNA)