(Aprub sa House joint panel) DAGDAG-BENEPISYO SA SENIORS, PWDs

LUSOT na sa joint panel ng House of Representatives ang tatlong bills na naglalayong palawakin ang mga benepisyo ng senior citizens at persons with disability (PWDs).

Sa isang hearing ay inaprubahan ng House committees on senior citizens, disability affairs, at ways and means ang House Bills (HB) 10061, 10062, at 10063, pawang naglalayong dagdagan ang discounts, benepisyo, at pribilehiyo ng senior citizens at PWDs.

Ipinapanukala ng HB 10061 na ipatupad ang mandatory 20-percent discount at value-added tax exemption na ipinagkakaloob sa senior citizens at PWDs bilang karagdagan sa anumang umiiral na promotional offers o discounts na ibinibigay ng business establishments.

Samantala, layon ng HB 10062 na i-rationalize ang mga benepisyo at pribilehiyo ng senior citizens at PWDs upang matiyak ang pantay-pantay na access sa mahahalagang serbisyo, social welfare, at oportunidad sa partisipasyon.

Ipinapanukala ng bill ang 20 percent discount at  value-added tax (VAT) exemption mula sa pagbabayad ng initial rate para sa parking fees, gayundin ang pagkakaloob ng 15 percent discount sa monthly utilization ng tubig at koryente na sinusuplay ng public utilities, sa kondisyong ang pagkonsumo ay hindi lalampas ng 100-kilowatt hours ng koryente, at 30 cubic meters ng tubig kada buwan.

Itinatakda rin nito ang libreng postal charges sa mga libro at periodicals, orthopedic at iba pang devices, at teaching aids para sa senior citizens at PWDs na ipinadala sa pamamagitan ng mail sa loob ng Pilipinas.

Nagkakaloob din ito ng karagdagang   deduction na 25 percent sa labor expenses para sa  employers ng PWDs at senior citizens.

Ipinapanukala naman ng House Bill 10063 “to integrate a dedicated section within the eGov PH Super App to cater to the specific needs of senior citizens and PWDs and offer tailored services, information, and resources to empower them to navigate through available government offerings.”          

(PNA)