(Aprub sa Metro Mayors) GUIDELINES SA GALAW NG MINORS SA MALLS

INIHAYAG ni Metro Manila Council (MMC) chairman Edwin Olivarez na napagkasunduan ng metro mayors na maglalabas ng uniformed guidelines para sa galaw ng mga kabataan na nasa edad 12 pababa sa malls, shopping centers at iba pang kahalintulad na establisimiyento.

Naganap na pagpupulong noong Huwebes at napagkaisahan ng mga alkalde sa Metro Manila na i-refer sa Inter Agency Task Force (IATF) ang mga guidelines para sa implementasyon ng galaw ng mga menor de edad na 12-taong gulang pababa.

Ayon kay Olivarez, ang guidelines sa mga galaw ng mga menor de edad ay maaaring ilabas ngayong linggong ito.

Kaugnay nito, nauna nang naglabas EO ang pamahalaang lokal ng Parañaque kaugnay sa guidelines ng galaw ng mga menor de edad.

Sa naturang EO, pinapayagan lamang ang mga kabataan na nasa edad 12 hanggang 17 taong gulang sa loob ng malls, shopping centers at kahalintulad na establisimiyento sa kondisyon na lagi nilang kasama ang kanilang mga magulang o guardians na mga fully vaccinated na rin laban sa COVID-19.

Ipinalabas ang nasabing EO matapos himukin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang local government units (LGUs) na maghain ng ordinansa o resolusyon na nauukol sa galaw ng mga kabataan sa kani-kanilang mga lugar na nasasakupan. MARIVIC FERNANDEZ