INAPRUBAHAN kahapon ng National Economic and Development Authority (NEDA) Board na pinamumunuan ni Presidente Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapalabas ng isang executive order (EO) na nagpapatupad sa commitments sa ilalim ng Philippines-South Korea Free Trade Agreement (FTA) at sa dalawang infrastructure projects na nagkakahalaga ng P63.2 billion.
Ang FTA ay naaayon sa mga kasunduan na nabuo sa 2023 Indonesia discussions. Ang South Korea ay magkakaloob ng preferential duty-free entry para sa 11,164 Philippine products, na bumubuo sa $3.18 billion o 87.4% ng kabuuang imports ng South Korea mula sa Pilipinas.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), ang South Korea ay pang-anim sa pinakamalaking importers ng Philippine products, kung saan bumili ito ng $293.43 million na halaga ng goods noong Oktubre.
Ang South Korea ay third largest export partner din ng Pilipinas, kung saan ang South Korean exports sa bansa ay may kabuuang halaga na $989.72 million.
“The [free trade] agreement will support government efforts to manage competition exclusion vis-à-vis ASEAN Neighbors, encourage more foreign direct investments, and secure more preferential concessions than those currently available under the ASEAN-Korea FTA and the Regional Comprehensive Economic Partnership Agreement,” pahayag ng NEDA.
Samantala, inaprubahan din ng NEDA Board ang P37.5-billion Ilocos Norte-Ilocos-Sur-Abra Irrigation Project (INISAIP) ng National Irrigation Administration (NIA), na magbibigay ng patubig sa agricultural lands na hanggang 14,672 ektarya sa wet season at 13,256 ektarya sa dry season sa tatlong lalawigan.
Ang proyekto ay kinabibilangan ng konstruksiyon ng isang earth at rockfill dam sa Palsiguan River sa Abra, isang afterbay dam sa Nueva Era sa Ilocos Norte, at linked irrigation canals na magsisilbing major irrigation systems.
Inaprubahan din ng NEDA Board ang P25.7-billion Accelerated Bridge Construction Project for Greater Economic Mobility and Calamity Response (ABC Project) ng Department of Public Works and Highways na magtatayo ng 29 tulay sa bansa.
Ang proyekto ay tutustusan sa pamamagitan ng isang official development assistance (ODA) loan mula sa French government at isasagawa sa dalawang bahagi — ang isa ay kinabibilangan ng pitong mahahabang tulay mula January 2025 hanggang December 2029, at ang isa pa ay binubuo ng 22 calamity response bridges mula January 2025 hanggang December 2027.