(Aprub sa PARC) P19-B PARA SA PAGPAPAUNLAD NG KANAYUNAN

INAPRUBAHAN ng Presidential Agrarian Reform Council (PARC) ang P19-bilyong pondo na hiniling mula sa Agrarian Reform Fund upang suportahan ang ilang mahahalagang proyekto na ipatutupad ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa kanayunan para isulong ang pag-unlad nito.

Ang pag-aprubang ito ang pangunahing highlight ng 40th PARC meeting, na pinamunuan nina DAR Secretary Conrado M. Estrella III, PARC Vice-Chairperson, at Atty. Kazel C. Celeste, Council Secretary, noong Biyernes, Oktubre 25, kasama ang iba pang miyembro ng PARC upang talakayin ang mahahalagang inisyatiba para sa repormang agraryo at pag-unlad sa kanayunan.

Isa sa mga proyektong ipatutupad sa naaprubahang pondo ay ang Pang-Agraryong Tulay para sa Bagong Bayanihan ng mga Magsasaka (Project PBBM), na naglalayong magtayo ng mga modular steel bridges na magpapabilis sa biyahe, magpapataas ng produktibidad at madagdagan ang kita ng mahigit 350,000 kabahayan.

Ang ibang bahagi ng naaprubahang pondo ay gagamitin din sa pagpapagawa ng mga farm-to-market roads at pagkakaloob ng mga farm machinery and equipment.

Ayon kay Estrella, ang mga investment na ito ay kritikal sa pagpapabuti ng pagkakaroon ng pangangalagang pangkalusugan, edukasyon, at iba pang mahahalagang serbisyo, lalo na sa mga kanayunan kung saan ang ganitong serbisyo ay tradisyonan na mahirap maabot.

Sa pagpupulong, tinalakay rin ang Land Compensation Cases (LOC), upang matiyak ang tamang oras sa pagbabayad sa mga may-ari ng lupa upang maiwasan ang mataas na interes dahil sa pagkaantala ng mga pagbabayad.

Bingyang-diin din ng council ang kahalagahan ng scholarship program para sa mga anak ng Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs), alinsunod sa vision ng Pangulo na kanyang sinabi sa State of the Nation Address (SONA).

“Sinasalamin ng mga proyektong ito ang pangako ng pamahalaan na palakasin ang mga magsasaka at pagpapabuti ng kabuhayan ng mga sambahayan sa kanayunan, na magbibigay-daan tungo sa isang mas napapanatili at produktibong sektor ng agraryo,” ani Estrella. MA. LUISA MACABUHAY-GARCIA