APRUBADO na ng World Bank ang loan funding support para sa dalawang government projects ng Pilipinas.
Ayon sa World Bank, inaprubahan ng Board of Executive Directors nito ang $500-million loan para sa Infrastructure for Safer and Resilient Schools Project at $750-million financing para sa Philippines Second Sustainable Recovery Development Policy Loan.
Ayon sa multilateral lender, ang Infrastructure for Safer and Resilient Schools Project ay idinisenyo upang suportahan ang resilient recovery ng disaster-affected schools sa mga piling rehiyon sa bansa.
Ang resilient recovery, ayon sa bangko, ay ang pagpapabuti sa kakayahan ng mga eskuwelahan na ipagpatuloy ang kanilang tungkulin makaraang tamaan ng natural disasters.
“Education is a key component of human capital. By improving the learning environment and making schools safer, children are more likely to attend classes, perform better academically, and complete their education,” sabi ni Ndiamé Diop, World Bank country director for Brunei, Malaysia, the Philippines, and Thailand.
Ayon sa World Bank, tutustusan ng proyekto ang repair, rehabilitation, retrofitting, reconstruction, at site improvements ng mga eskuwelahan na labis na naapektuhan ng mga lindol at bagyo sa mga nakalipas na taon.
Palalakasin ng interventions na ito ang physical learning environments para sa mahigit 700,000 estudyante.
“By strengthening the resilience of educational facilities, disruptions to learning caused by natural disasters can be minimized, ensuring that children can continue their education with fewer interruptions,” wika ni Fernando Ramirez Cortes, World Bank senior disaster risk management specialist.
Bibigyang prayoridad ng proyekto ang mga lugar na may pinakamalaking school infrastructure damage at risk, kabilang ang Cordillera Administrative Region, Caraga, Central Luzon, Bicol Region, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Davao Region, at Soccsksargen.
Susuportahan din nito ang pagpapahusay sa operations at maintenance manual and tools ng Department of Education (DepEd), na titiyak na kapwa ang central at local level education authorities ay may up-to-date protocols at information para sa pagpapatakbo at pagmamantine sa restored school infrastructure.