(Aprub sa World Bank) $100-M LOAN PARA SA MINDANAO AGRI DEV’T

WORLD BANK-TELCOS

APRUBADO na sa World Bank ang $100-million loan para sa pagpapalakas ng agricultural development sa Mindanao.

Sa isang statement, sinabi ng World Bank na inaprubahan ng board of executive directors nito ang Mindanao Inclusive Agriculture Development Project (MIADP).

Nasa 120,000 magsasaka at mangingisda sa piling ancestral domains sa Mindanao ang nakatakdang makinabang sa programa na naglalayong palakasin ang agricultural productivity, resilience, at services habang pinoprotektahan din ang likas na yaman ng naturang ancestral domains.

Ayon sa Washington-based multilateral lender, ang Mindanao ay nag-aambag ng 33.4% ng total value ng agricultural production sa Pilipinas, habang ang Luzon ay 39.2% at Visayas, 27.4%.

Sinabi pa ng World Bank na ilang sagabal ang humahadlang sa pag-unlad ng ancestral domains, kabilang ang hindi sapat na road infrastructure, madalas na landslides na nagiging sanhi ng extended periods ng isolation, at limitadong access sa technical services, markets, finance, electricity, internet, at telephone services.

Popondohan ng MIADP ang infrastructure investments upang makatulong sa pagtugon sa ilan sa mga hadlang na ito at maisulong ang mas malakas na koneksiyon sa pagitan ng ancestral domains at markets.

Kabibilangan ito ng rehabilitation o restoration ng mga kalsada at tulay, paglalagay ng agricultural tramline systems, at konstruksiyon ng small-scale at solar-powered irrigation systems.

Bukod dito, ang proyekto ay magkakaloob ng potable water systems at post-harvest facilities tulad ng storage units at trading posts.

“Mindanao is home to about 25% of the Philippines’ population but accounts for 35% of the country’s poor,” sabi ni
Ndiamé Diop, World Bank Country Director for Brunei, Malaysia, the Philippines, and Thailand.

“Poverty in indigenous cultural communities is even higher, with 68% living below the poverty line. Initiatives that aim to improve people’s living conditions while actively involving them are vital for strengthening inclusive growth in the country,” dagdag pa niya.