(Aprubado na ng ADB) $200-M LOAN PARA SA CLIMATE-RESILIENT PH INFRA

INAPRUBAHAN na ng Asian Development Bank (ADB) ang USD200 million loan para tulungan ang Pilipinas na magtayo ng high-quality, inclusive, climate-resilient, at low-carbon infrastructure.

Sa isang statement, sinabi ng ADB na ang pangalawang karagdagang financing para sa Infrastructure Preparation and Innovation Facility (IPIF) ay susuporta sa paghahanda ng complex at critical climate-resilient road, bridge, transport, at flood risk management projects na tinukoy ng pamahalaan bilang flagship projects.

Makatutulong din ang loan sa pagpapabilis sa pagpapatupad ng maagang proyekto sa pamamagitan ng feasibility studies at  detailed engineering design na naka-embed ang climate-resilient features upang suportahan ang Pilipinas sa pagkamit ng climate commitments at national adaptation priorities nito.

“The Philippines has raised its public infrastructure spending in recent years to steer the economy toward a sustainable, high-growth path,” wika ni ADB senior transport specialist Daisuke Mizusawa.

“With this additional financing, we aim to help the government scale up the scope of its investments, further improve the readiness and quality of public infrastructure projects, and strengthen public investment management systems,” dagdag pa ni Mizusawa.

Ayon pa sa ADB, makatutulong ito sa pagbuo ng kapasidad ng implementing agencies tulad ng Department of Transportation at  Department of Public Works and Highways para ipatupad ang malalaki at complex infrastructure projects.

Isang USD1.5-million technical assistance grant ang susuporta sa pagpapalakas ng mga regulasyon at polisiya, gayundin ng investment planning para sa  low-carbon at climate-resilient infrastructure.

(PNA)