INAPRUBAHAN na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapataw ng 10 porsiyentong dag-dag-buwis sa imported crude oil at refined petroleum products sa layuning makalikom ng karagdagang pondo para matugunan ang COVID-19 crisis.
Sa Executive Order 113 na nilagdaan ni Duterte noong Mayo 2, ang dagdag na buwis, na bukod sa umiiral na Most Favored Nation at preferential import duties, ay pansamantala lamang.
Kabilang sa saklaw ng EO ay ang petroleum oils at oils na nagmumula sa bituminous minerals at crude; petroleum gases at iba pang gaseous hydrocarbons; at waste oils.
Inatasan ng Pangulo ang Department of Budget and Management (DBM) na magsagawa ng pag-aaral, magpanukala at mag-sagawa ng hakbang upang matiyak na ang kikitain sa dagdag na import duty ay magagamit sa COVID-19 response ng pamahalaan, kabilang ang social amelioration programs at iba pang uri ng ayuda para sa lahat ng apektado ng pandemya.
Sa datos ng gobyerno, ang mga bansa sa Southeast Asia ay karaniwang nagpapataw ng hanggang 3% na taripa sa imported crude oil at refined petroleum products.
Comments are closed.