KAHIT busy sa kanyang restaurant business, nananatiling priority pa rin ni Ara Mina ang kanyang pag-aartista.
Kaya naman, nang dumating ang offer sa kanya na mapasama sa cast ng FPJ’s “Ang Probinsyano,” hindi talaga niya pinalagpas ang pagkakataon.
Noon pa kasi ay gusto na niyang makasama sa longest-running teleserye.
“Honestly, matagal ko nang pinagdadasal na makapag-guest dito. Then nu’ng nakausap ko si Coco before magsimula ang “Araw Gabi,” sinabi ko sa kanya na sana makapag-guest ako. Tapos hanggang sa natapos na ang “Araw Gabi,” nagkita kami sa ABS-CBN Ball, sabi ko patapos na ang “Araw Gabi,” puwede na ako mag-guest,” aniya.
“Siguro nakahanap sila ng role na babagay para sa akin. So, one year na ‘yung “Araw Gabi” at eto na nga, nakapasok rin ako. Answered prayer talaga ang nangyari,” dugtong niya.
Kakaiba at challenging role ni Ara bilang mataray, mukhang pera at matapobreng asawa ni Tirso Cruz III.
“Well, nakaka-miss din na gumawa ulit ng soap opera at mag-taping. ‘Yung pag-arte, it’s really a passion for me na hinahanap-hanap ko talaga. Hindi ko na-imagine ang sarili ko na hindi nagte-taping or nagsusyuting kahit pa matanda na ako. And kahit gaano ako ka-busy sa Hazelberry Café, I really find time talaga to accept taping assignments,” bida niya.
Huling nakatrabaho ni Ara si Coco sa teleseryeng “Ligaw na Bulaklak” bilang magkapatid 11 years ago.
Comments are closed.