DARWIN, Australia – Naging double gold winners sina Lora Micah Amogius at John Lloyd Cabalo noong Sabado ng gabi nang mag-wagi ang Filipinas ng 10 gold medals sa Day 1 ng 2019 Arafura Games dito.
Nakopo ni Amogius ang gold medals ss 13-14 100m backstroke at sa 200m individual medley sa swimming, habang nadominahan ni
Cabalo ang men’s 400m run at ang men’s 4x100m relay sa athletics upang maging unang dalawang double gold medalists sa kampanya ng Filipinas na suportado ng Philippine Sports Commission (PSC) at ng Standard Insurance.
Ang 13-anyos na si Amogius ay naorasan ng one minute, 10.53 seconds sa 100m backstroke, dalawang segundo ang bilis kay second placer Taila Jane Wilkinson ng Western Australia (1:12.19). Ang Davao City lass ay nanguna rin sa 200m IM sa oras na 2:33.63, tatlong segundo ang pagitan kay Wilkinson sa event na idinaos sa Parap Swimming Pool.
Sa Marrara Sporting Complex, nadominahan ng 18-anyos na si Cabalo ang 400m run sa bilis na 50.73 seconds, dalawang segundo ang angat kina Blair Andrews ng Northern Territory (52.08) at Joseph Salmon ng Northern Territory (52.34).
Nakipagtambalan ang National University standout kina Joviane Calixto, Jason Buenacosa, at Romel Bautista upang magwagi sa 4x100m relay sa oras na 43.49 seconds, kung saan ginapi niya ang mga katunggali mula sa Northern Territory at Malaysia.
Ang Filipinas ay nanalo pa ng anim na golds, 12 silvers, at 6 bronzes sa produktibong unang araw ng bansa sa multisports competition na nagbabalik matapos ang eight-year hiatus.
Ang iba pang nagwagi ng gold noong Sabado ay sina Ivo Nikolai Enot (13-14 men’s 100m backstroke) sa swimming, Abigail Manzano (women’s 3,000m steeplechase), Nicko Caparoso (men’s 3,000m steeplechase), Bruce Fernia (men’s javelin throw), Jessel Lumapas (women’s 400m run), at Mark Anthony Casena (men’s triple jump) sa athletics.
Comments are closed.