DARWIN, Australia – Sisimulan ng Filipinas ang kampanya nito sa 2019 Arafura Games ngayong araw kung saan target ng mga atleta mula sa weightlifting, athletics, at swimming ang medalya sa Day One ng kumpetisyon.
Sisikapin ni Kate Diaz, pamangkin ni 2016 Olympics silver medalist at 2018 Asian Games gold medalist Hidilyn Diaz, na mahablot ang gold medal bilang nag-iisang lahok ng Filipinas sa women’s weightlifting sa Darwin Convention Centre.
Sasalang naman sina Franz Jonard Lorejo at Bruce Pernia sa men’s javelin throw, habang makikipagbuno sina Evangeline Caminong at Shairadell Matillosa sa women’s long jump sa Mararra Sports Precint sa kampanya ng bansa na suportado ng Philippine Sports Commission (PSC) at ng Standard Insurance.
Mapapalaban ang women’s 200-meter freestyle relay team nina Zoemarie Hilario, Chloe Apin, Lora Micah Amogius, at Maika Samantha Gonzaga, at ang men’s 200-meter freestyle relay nina Elson Jake Rodriguez, Juan Antonio Mendoza, Aaron Dave Alinsub, at Fritz Jun Rodriguez sa Parap Swimming Pool.
Ang 15-anyos na si Diaz, na ang ama at coach na si Catalino ay pinsan ni Hidilyn, ay umaasa na kakatawanin ang Filipinas kung saan pinapayuhan din siya ng kanyang tiyahin, na nagwagi kamakailan ng tatlong silver medals sa Asian Weightlifting Championship sa Ningbo, China.
“Medyo kinakabahan pero excited. Feeling na eto na, andito na ‘yung lahat ng ginawa kong training kasama si Papa, magpe-pay off na rito. Puwede pa akong manalo ng medal representing the country,” wika ni Diaz, na sasabak sa women’s 45 kilogram category.
“Minsan ang payo niya (Hidilyn) sa akin last time na nanalo ako, ‘wag akong mag-relax. Dapat, pag-igihan ko pa at mag-visualize pa ng mas mataas na goal,” aniya.
Nagpahayag naman ng kumpiyansa si Wally Espino, ang head coach ng koponan, sa tsansa ng Filipinas na magwagi ng medalya sa athletics na lalaruin hanggang Lunes.
Sinabi ni Espino na karamihan sa mga atleta ay galing sa pagwawagi ng medalya sa 10th Brunei-Indonesia-Malaysia-Philippines-Northern Territory-East Asian Friendship Games (BIMP-EAGA) noong nakaraang taon.
“Sa team natin, may laban naman tayo kasi nung last time sa Brunei, maraming nakuhang medals. Likewise, hindi ko sinasabing makukuha natin lahat, pero pupuwesto tayo,” sabi ni Espino.
Comments are closed.