ARAW NG KAGITINGAN: MGA ARAL NG DIGMAAN

HOLIDAY ngayon upang alalahanin at ipagdiwang ang Araw ng Kagitingan, karaniwang nagaganap ito tuwing ika-9 ng Abril.

Karamihan sa atin ay gagamitin ang araw na ito upang i-extend ng isang araw ang ating Holy Week vacation, at wala namang masama rito. Pero tama rin namang alalahanin din natin sa pagkakataong ito ang katapangan at mga sakripisyo ng mga Pilipino at Amerikanong sundalong lumaban sa giyera, partikular na sa giyera sa Bataan. Ito ay mahalagang bahagi ng pagsisikap at pakikibaka nating mga Pilipino upang matamo ang kalayaan.

Higit pa sa pagbibigay-pugay sa mga beterano ng digmaan, mainam ding isipin natin sa araw na ito kung paanong ipinaglaban ng ating mga kababayan at ninuno ang ating kalayaan sa mga nagdaang panahon, at kung ano ang ginagawa natin sa ngayon upang ingatan ang kanilang pamana at siguruhing maprotektahan ang mga biyayang tinatamasa natin ngayon upang ang mga ito ay ma-enjoy pa rin naman ng ating mga anak at apo. Nakakaambag ba ang ating mga gawain para sa pag-unlad ng Pilipinas o dinudungisan ba natin ang alaala at sakripisyo ng ating mga bayani?

Ang malinaw mula sa ating kasaysayan at kuwento nating mga Pilipino, bahagi ng pagwawagi o pag-unlad ang tapang, pagkamakabayan, at sakripisyo.

Hindi maaaring isa o dalawa lamang ang mayroon tayo. Kung hindi tayo marunong magsakripisyo, magpakita ng tapang sa harap ng mga pagsubok at pagkabigo, at kung hindi tunay ang pagmamahal natin sa bayan at sa ating kapwa Pilipino, maaaring di natin makamit ang ating mga pangarap bilang bayan.
(Itutuloy…)