(Pagpapatuloy…)
MABUTI na turuan ang sarili at ang ating mga kabataan tungkol sa kasaysayan at kultura, ngunit hindi dapat magtapos dito.
Maipaalala nawa sa atin ng Araw ng Kagitingan na mahalagang may pangako tayong isusulong ang kalayaan, kapayapaan at hustisya, at gagawin natin ang ating makakaya upang maging kasangkapan para sa positibong pagbabago para naman maliwanag ang bukas para sa ating mga anak.
Sa unang tingin, parang malabo o walang laman ang mga katagang ito, ngunit maaari nating yakapin ito bilang imbitasyon na pagnilayan kung ano ang kahulugan nito para sa atin.
Marami sa atin ay matagal nang nakaririnig ng mga kuwento mula sa ating mga lolo’t lola kung paano sila—o mga kamag-anak natin—lumaban sa giyera. Maaaring sawa na ang ilan sa atin sa mga kuwentong paulit-ulit. Ngunit kahit para sa okasyong ito lamang, sana ay makahanap tayo ng panahon upang umupo kasama nila at makinig, magtanong, at magpasalamat para sa mga naratibong ito, para sa mga sakripisyo nila, at para sa mga buhay na ibinuwis sa ngalan ng kalayaan. Kung tayo ay may kakilala o kapamilyang konektado sa mga beterano ng digmaan, tamang-tama ang panahong ito upang magpasalamat.
Hayaan nating madinig ng mga bata ang mga kuwento nila. Puwede rin nating gamitin ang social media upang magbahagi ng impormasyon at karanasan. Marami rin tayong matututunang detalye mula sa mga kuwentong ito—dagdag kaalaman sa mga nababasa natin at nakikita sa mga museo—dahil direktang impormasyon ito mula mismo sa mga nakasaksi. May personal at emosyonal na sangkap ang kanilang mga naratibo.