ARAW NG KAGTINGAN: ANG SAKRIPISYO NG FILIPINO SA BATAAN

Magkape Muna Tayo Ulit

NGAYONG  araw ay ginugunita natin ang tapang at giting ng mga sundalong Filipino noong Ikalawang Digmaan. Itinaya nila ang kanilang buhay at pilit nilabanan ang sumalakay na Hapon sa ating bansa.  Ang Bataan at Corregidor ay kinilala bilang isang makasaysayang kaganapan sa Ikalawang Digmaan o World War II.

Ang tawag sa paggunita ngayong araw ay Araw ng Kagitingan o ‘Day of Valor’. Ang ika-9 ng Abril ang petsa kung saan sumuko ang mga puwersa ng Amerikano at Filipino matapos ang ilang buwan na pakikipagbakbakan laban sa mga Hapon noong 1942. Napaligiran na ang Corregidor at Bataan noong mga panahon na iyon. Wala na silang suplay ng armas at pagkain mula sa labas. Walang habas din ang pagbomba sa mga kuta ng mga Amerikano at Filipino.

Bago pumutok ang World War II, ang Corregidor ay ginawang bilang bantay at depensa ng Manila sa mga maaring sumakop sa kapitolyo ng Filipinas. Binuhusan ang isla ng Corregidor ng malalaking kanyon at modernong headquarters ng mga sundalong Amerikano. Kumpleto ang pasilidad nito. May ospital, paaralan, mga pabahay para sa mga sundalo at naghukay ng tinatawag na Malinta Tunnel kung saan maaring maging taguan kapag ito ay sinalakay ng mananakop.

Subali’t hindi nila naakala na ang pagsalakay ng mga puwersa ng Hapon ay magmumula sa hilaga at timog ng Luzon. Ang mga malala­king kanyon na nakaharap sa kanluran ng Manila Bay ay nagmistulang walang silbi sa depensa ng Manila. Sinakop ang Manila ng mga Hapon noong Enero 2, 1942. Nagmistulang hawak ng Imperial Japanese Army ang Filipinas dahil dito subali’t may mga puwersa pa ng mga Filipino at Amerikano na patuloy pa rin ang paglaban sa mga sundalong Hapon.

Ika-3 ng Enero ay itinalaga si Gen. Masaharu Homma bilang Japanese Military Governor ng Filipinas. Simula  Pebrero ng nasabing taon, naglabas na ng ilang batas ang mga Hapon sa pamamalakad ng kanilang gobyerno sa Filipinas. Noong ika-20 ng Pebrero, si Pa­ngulong Manuel Quezon at  kanyang gabinete ay lumisan na patungong Estados Unidos.  Si Gen. Douglas MacArthur na nasa Corregidor ay sumunod sa pag-alis sa Fi­lipinas at patagong umalis sa kadiliman ng gabi patungong Australia. Iniwan niya ang puwersa ng mga sundalong Amerikano at Filipino sa ilalim ni Gen. Edward King.

May mahigit na 76, 000 na sundalong Filipino, Amerikano ang isinuko ni Gen. King noong ika-9 ng Abril 1942 sa ilalim ng Japanese Imperial Army. Ang sumunod dito ay ang kahindik-hindik at walang pusong pagmamaltrato ng mga sundalong Hapon sa kanila. Dahil ang Corregidor at Bataan noong mga panahon na iyon ay  walang riles ng tren upang isakay ang mga sumukong sundalo papunta sa Manila, pinalakad ang mga ito mula Bataan papunta sa malaking kampo na Camp O’Donnel sa Capas, Tarlac via  San Fernando, Pampanga, kung saan may tren at doon dadalhin ang mga sumukong sundalo sa Manila. Ang layo mula Bataan hanggang San Fernando, Pampanga ay 145 kilometers at katirikan ng  tag-init ang panahon na iyon.

Ilang libo ang namatay habang pilitang pinagmartsa sila papuntang Camp O’Donnel. Huwag nating kalimutan na ang karamihan sa kanila ay mahina na dahil sa ilang buwan na walang sapat na pagkain. Ang iba sa kanila ay su­gatan na dahil sa digmaan. Subali’t pinalakad pa rin sila. Ang mga kababayan na saksi rito ay binibigyan sila ng pagkain at tubig inumin. Nguni’t pinagbababwal ng mga sundalong Hapon. Kung may umaangal ay kanilang binubugbog o kaya ay tinutusok ng bayoneta at hinahayaan sa kalsadang mamatay. Ang mga may sakit ay hinahayaan din mamatay. Walang binibigay na gamot sa mga may sakit at sugatang sundalong Filipino, Amerikano. Mas kilala ang kasasyaan na ito bilang “Bataan Death March”.

Ang Araw ng Kagi­tingan ay hindi araw ng selebrasyon. Ito ay araw ng paggunita sa hirap na dinaanan ng ating mga sundalong Filipino at Amerikano sa pagpursigi nilang ilaban ang ating Inang Bayan sa pananakop ng mga dayuhang Hapon.

Comments are closed.