MEDYO lilihis muna ako sa mga paksa na nais kong bigyan ng opinyon. Ang araw na ito ay mahalaga dahil ito ang pag-iisang dibdib ng aking anak na si Jade Marie Bibay Sison sa kanyang kasintahan na si Marion Micole Topacio Mendoza.
Nagbalik tanaw ako sa buhay ng aking anak. Parang napakabilis ng lahat ng pangyayari. Halos tatlong dekada na ang nakaraan kung saan inaalagaan at ibinigay namin ang buong pagmamahal sa aming anak. Dumaan kaming mag asawa sa mga hamon at hirap bilang mag asawa at bilang magulang kay Jade. Pagkatapos ng anim na taon ay sinundan si Jade ng kanyang nakababatang kapatid na si Michael Jeramie.
Sa totoo lang, kuntento at sapat na para sa amin ang magkaroon ng isang anak. Subalit si Jade mismo ang humiling ng kapatid. Kaya naman palaging biro niya sa bunso naming anak na lalaki na dapat ay malaki ang utang na loob niya. Kung hindi siya humingi ng kapatid ay wala dapat ngayon si Jeramie.
Subalit ang paksa ko ngayon ay tungkol sa aking anak na babae. Noong mga panahon na iyon, malaki ang pasasalamat ko sa ating Panginoon na binigyan kami ng isang maganda, matalino at listong anak. Ginabayan namin si Jade sa lahat ng kanyang mga plano sa buhay. Mula sa kanyang pag-aaral sa elementarya, hayskul at sa kolehiyo, nakatutok kaming mag asawa sa aming anak.
Malaki rin ang sakripisyo ng aking asawa. Nagbitiw siya sa kanyang trabaho sa Philippine Airlines upang tutukan ng mabuti ang aming anak. Kaya naman ako lamang ang nagmistulang kalabaw ng pamilya upang matustusan ang lahat ng pangangailangan nila.
Hindi pa tapos sa kolehiyo ang aking anak ay nagsikap na siya na maghanap ng trabaho. Ngayon ay isa na siyang matagumpay na ehekutibo sa isang nangungunang car company sa ating bansa.
Natutuwa ako sa karera ng aking anak. Alam ko na magpapatuloy ang pag-akyat niya sa kanyang karera sa korporasyon na kanyang pinagtatrabahuan.
Naikwento ko ito, dahil malamang ay ganito rin ang tatahakin niyang landas ngayon na may asawa na siya. Maraming pagsubok at suliranin ang dadaanan ng mag-asawang Jade at Marion.
Pagmamahal, pag unawa at respeto sa bawat isa ang mga aspetong mahalaga upang magtagal ang kanilang relasyon bilang mag-asawa.
Ilan sa aking mga kakilala ay binabati ako sa nalalapit na kasal ng aking anak. Sinasabi nila sa akin na ‘congratulations’. Subalit nakakahiya man sabihin, ako ay hindi lubos na nagagalak sa pangyayaring ito. Hindi ko maalis sa aking damdamin na mawala na ang aking anak na babae dahil ikakasal na siya.
Ganito pala ang pakiramdam ng isang ama. Ibinuhos ko ang buong pagmamahal bilang ama sa aking anak. Subalit ganito talaga ang gulong ng buhay. Marahil ganito rin ang pakiramdam ng aking biyenan nang pinakasalan ko ang kanyang anak.
Ang pag-aasawa ay swertihan, ika nga ng aking nanay. Hindi mo lubos na malalaman ang tunay na ugali, personalidad ng iyong asawa hanggang magsama kayo sa isang bahay.
Subalit sa nakikita ko sa aking manugang, mukha namang mahal na mahal niya ang aking anak.
Ipinapakita niya rin na nais niyang maging bahagi ng aming pamilya. Harinawa’y imbes na mawalan ako ng anak na babae ay madadagdagan ako ng isa pang anak.
Kaya naman ang araw ng kasal ng aking anak ay araw din ng pagtanggap ko na ito ang simula ng panibagong buhay ng anak kong babae upang magtaguyod ng sarili niyang pamilya.