“SPECIAL NON-WORKING DAY” SA IKA-451 ARAW NG MAYNILA

SA inilabas na proklamasyon ng Malacanang Palace, idineklarang non-working day ang Hunyo 24 kasabay ng pagdiriwang ng ika-451 anibersaryo ng lungsod.

Ayon kay Executive Secretary Salvador Medialdea, nararapat lamang umano na mabigyan nang sapat na pagkakataon ang mga Manilenyos para ipagdiwang at makisali sa okasyon at kaakibat na mga seremonya ngunit dapat pa ring sundin ang ipinatutupad na “public health measures” ng pamahalaan.

Nilagdaan ni Medialdea ang Proklamasyon No. 1400 sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte noong Miyerkoles, Hunyo 22.

“It is but fitting and proper that the people of the City of Manila be given full opportunity to celebrate and participate in the occasion with appropriate ceremonies, subject to the public health measures of the national government,” batay sa nakasaad sa Proclamation No. 1400.

KASAYSAYAN NG MAYNILA

Sa kasaysayan ng Maynila, naging unang kolonyal na pamahalaan ng Espanya noong opisyal na pinamamahalaan ang kapuluan ng Pilipinas ng tatlong daang taon simula 1565 hanggang 1898. Nang mamalagi ang Britanya sa bansa, ang Maynila ay pinamahalaan ng Great Britain ng dalawang taon simula 1762 hanggang 1764 na naging bahagi ng pitong taong digmaan.

Nanatiling punong lungsod ng Pilipinas ang Maynila sa pamamahala ng pamahalaang probisyonal ng Britanya, na kumikilos sa pamamagitan ng mga arsobispo ng Maynila at ng Real Audiencia.

Nakilala rin ang Maynila noong mayroong kalakalang Maynila-Acapulco na tumagal ng tatlong daang taon at nakapaghatid ng mga kagamitan simula sa Mexico patungong Timog-Silangan Asya noong 1899 hanggang sa binili ng Estados Unidos ng Pilipinas sa mga Kastila at pinamahalaan ang buong kapuluan hanggang 1946.

Kilala ang Maynila noon bilang Gintu o Isla ng mga ginto. Yumabong ang Maynila sa mga huling sandali ng Dinastiyang Ming dulot ng pakikipagkalakalan sa Tsina. Ang Kaharian ng Tondo kinikilala noon bilang kabisera ng imperyo. Ang namumuno rito ay itinuturing bilang mga hari at tinatawag silang panginoon, anak ng banua o anak ng langit o lakandula na ang ibig sabihin ay “anak ng kahariang pinamumunuan”.

KALAKALAN NAG-UMPISA SA PANTALAN NG MAYNILA

Simula pa man noon, ang kalakalan ay kadalasang idinadaan sa karagatan at ang pantalan ng Maynila ang isa sa pangunahing pinagdadausan ng pagpapalitan ng produkto.

Ang Pantalan ng Maynila ang itinuturing na pinakamalaking port sa bansa at “gateway” sa mga international shipping at palitan ng negosyo. Dito makikita ang pinagsama-samang pasilidad at mga terminal na may kinalaman sa kalakalan na idinadaan sa karagatan na ibinabyahe sa Metro Manila at sa mga karatig na lalawigan.

KASALUKUYANG MAYNILA

Sa kasalukuyan, maraming naging magandang pagbabago sa Lungsod ng Maynila nang maupo sa puwesto bilang mayor si Francisco “Isko Moreno” Domagoso. Naging mabilis ang aksyon ng kaniyang pamunuan lalo na noong kasagsagan ng pandemya dulot ng Covid-19. Nalinis ang mga lugar partikular na ang mga matataong lugar tulad ng palengke at nagkaroon ng mga proyektong pabahay tulad ng Basecommunity, Tondominium, Binondominium at kasalukuyang pa ring isinaayos ang ilang pampublikong ospital at eskwelahan.

Sa kabila ng maraming magagandang proyekto sa ilalim ng liderato ni Yorme, marami pa ring dapat pagtuuan ng pansin ang pamahalaang lokal ng Maynila. Nariyan pa rin ang mahihirap nating kababayan na nagsisiksikan sa mga lugar na hindi dapat tinitirahan. Itinuturing pa ring “densely populated” ang lungsod.

Sa marami pang pagdiriwang ng Araw ng Maynila, umasa tayo na maging kaakibat nito ang magandang imahe at tuluyang nang makamit ang minimithi ng lahat – maunlad na Maynila at matagumpay na Manilenyos – at maging kaisa tayo para makamit ito.

– CRIS GALIT