Panahon na naman upang ang sambayanan ay pansamantalang huminto sa mga pang-araw-araw na gawain, gunitain ang buhay at alaala ng ating mga mahal na yumao.
Ang mga Filipino ay talagang napakahilig sa mga fiesta at pagtitipon.
Pati ang taunang pagdalaw sa mga sementeryo tuwing unang araw ng Nobyembre o Araw ng mga Santo, at ikalawa ng Nobyembre o Araw ng mga Namayapa, ay nagiging masayang reunion ng mga magkakapamilya na bihira lamang magkita-kita sa buong taon. Sa paglipas ng panahon, ang okasyong ito ay naging isang tradisyon na nagbubuklod ng Kristiyanong pananampalataya ng mga Filipino at ng ating pagmamahal sa ating pamilya.
Ngunit sa kabila nga kasiyahang dala ng pagsasama-sama ng magkakamag-anak upang gunitain ang mga namayapang kapamilya sa mga araw na ito, hindi nakalilimutan ng mga mananampalataya ang paalala ng Simbahan na panatilihing taimtim ang paggunita sa Araw ng mga Santo at Araw ng mga Yumao. Patunay nito, ang patuloy nating pag-aalay ng panalangin para sa mga kaluluwa ng mahal nating namayapa.
Mula pa lang nang ito ay itatag ni Ambassador Antonio L. Cabangon Chua noong 1976, ang Eternal Gardens ay mariin nang sumusuporta sa pagsusulong ng mapayapa at mataimtim na pagdaraos ng Araw ng mga Santo at Araw ng mga Yumao.
Ang dalawang araw na tradisyon ng paggunita sa mga yumao na kung tawagin din ay Undas ay may relihiyosong paliwanag. Ang Araw ng mga Santo tuwing unang araw ng Nobyembre ay inaalay sa mga santo ng simbahan, o ang mga namayapa na nakapasok na sa langit at kinikilala ng Simbahang Katolika. Ang araw na ito ay kilala rin sa tawag na Pista ng Lahat ng mga Santo sa Simbahang Katolika.
Ang Araw ng mga Namayapa naman tuwing ika-2 ng Nobyembre ay inaalay sa mga kaluluwa ng yumaong patuloy na nagsisikap na makarating sa langit. Paniniwala ng mga mananampalataya na ang mga Santo na ating ginugunita tuwing unang araw ng Nobyembre ay tumutulong sa mga kaluluwa ng mga yumaong inaalala natin sa ikalawang araw ng Nobyembre
upang sila ay maluwalhating makarating sa langit.
Sining at pananampalataya
Ang pagsasama ng sining at pananampalataya ay naging trademark na ng Eternal Gardens. Matatagpuan sa bawat sangay nito ang naggagandahang
imahe ng mga santo, na hindi lamang nagsisilbing dekorasyon sa parke kundi mga paalaala na ang ating mga yumaong mahal sa buhay ay nasa piling ng mga banal.
Natatangi sa mga relihiyosong imahe na matatagpuan sa Eternal Gardens ang Transfiguration of Christ na matatagpuan sa bawat sangay ng kompanya. Ang naturang imahe ni Hesus ay itinuturing na isa sa mga mahahalagang gawa ng namayapang National Artist na si Napoleon V.
Abueva, na siyang gumawa ng kauna-unahang Transfiguration na makikita ngayon sa Eternal Gardens Baesa sa Caloocan City, gayundin ng mga imahe na nasa mga sangay ng Eternal Gardens sa Cabanatuan City at Santa Rosa City.
Ang iba pang Transfiguration statues na makikita sa Eternal Gardens Dagupan, Biñan, Batangas (Balagtas at Concepcion), Lipa, Naga, at Cagayan de Oro, ay ginawa naman ng iba pang mga kahanga-hangang Filipinong eskultor, kabilang si Conrado Balubayan na siya ring gagawa ng Transfiguration na ilalagak sa ika-11 sangay ng Eternal Gardens sa
Cabuyao City, Laguna. Ang nasabing ika-11 sangay ay nagdaos ng Groundbreaking Ceremony noong ika-23 ng Oktubre sa Barangay Mamatid, Cabuyao City, kung saan naging panauhing pandangal si House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo. Ito rin ay dinaluhan ng iba pang opisyal kabilang sina Cabuyao City Mayor Rommel Gecolea at Laguna 2nd District representative Joaquin Chipeco, Jr.
Kaligtasan at kaayusan sa mga parke
Taon-taon tuwing Araw ng mga Santo at Araw ng mga Yumao ay sinisiguro ng pamunuan ng Eternal Gardens ang kaligtasan ng bawat bisita sa mga sangay nito. Pinaiigting ang seguridad sa mga parke simula ika-31 ng Oktubre sa pamamagitan ng pagtatalaga ng mga karagdagang security personnel. Nakikipagtulungan din ang mga sangay ng Eternal Gardens sa mga lokal na pamahalaan ng mga siyudad kung saan ito matatagpuan, upang mapanatili ang maayos na daloy ng trapiko at mga tao sa loob at sa paligid ng mga parke. Ito ay ilan lamang sa mga paraan ng Eternal Gardens upang maipakita ang katapatan at determinasyon nito sa pagpapanatili ng mataimtim na paggunita sa ating mga mahal na namayapa na.
Comments are closed.