MULING nabuhay ang isyu na hindi isang pirasong papel lamang ang 2016 Arbitral Ruling na iginawad pabor sa Pilipinas ng The Hague Permanent Arbitral Tribunal matapos na maglabas ang China ng kanilang revised standard map na may 10 dash line marking.
Ilang legal expert sa pamahalaan ang nagsabing hindi piece of paper ang naipanalo ng Pilipinas na puwedeng itapon sa basurahan na gusto ring palabasin ng China.
Ayon sa kanilang paliwanag, ang naturang desisyon ng international tribunal na pabor sa Pilipinas kaugnay sa kasong isinampa laban sa pang-aagaw ng China sa teritoryo sa West Philippine Sea, ay hindi isang pirasong papel lamang na walang halaga dahil kinikilala ito ng may 23 bansa at naniniwalang “valid and binding” at dapat na ipatupad ang nasabing arbitral decision.
Kaugnay nito ay inihayag ng isang propesor sa University of the Philippines na malaki ang role ng media para salungatin ang mga ipinakakalat na mis-information ng ilang sektor.
Ayon kay Atty. Jay Batongbacal ng UP College of Law, dapat na magsama sama ang media para imulat ang taumbayan sa mga ipinakakalat na fake narrative, fake news at mapanlinlang na mga propaganda upang hindi maligaw at mapaniwala ang publiko.
Nangangamba rin si Batongbacal sa presensiya ng ilang grupo na kumakampi sa China na tumutulong sa pagpapakalat ng untruthful naratives, misinformation and deception.
Isang senior military officers ang nagpahayag na alam din nila na may ilang kasapi ng media ang kumakampi sa China sa hindi malamang kadahilanan at lantad naman ito sa kanila.
Kamakailan ay isang joint seminar ang isinagawa sa pangunguna ng NSC katuwang ang Philippine Coast Guard, Presidential Communication Office, Department of Foreign Affairs at maging Department of Justice at iba pang ahensiya ng gobyerno para sa ilang mamamahayag na layuning linawin ang mga legal na isyu na may kaugnayan sa West Philippine Sea at legal territorial claims ng mga nag-aagawang bansa.
Kasunod ng paglalabas ng China ng kanilang revised standard map na minarkahan ng kanilang 10 Dash Line para lumawak ang saklaw sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea ay iminulat naman ng National Security Council ang ilang kasapi ng media hinggil usapin ng isla partikular sa United Nation Convention on the Law of the Seas (UNCLOS) at 2016 Arbitral Ruling.
Isa sa mga layunin ng nasabing seminar na may Temang “Navigating the West Philippine Sea issue: Understanding the UNCLOS, the Philippine Position, and the 2016 Arbitral Award na makatulong ang media sa pagpapaliwanag sa sambayanan hinggil sa tunay na isyu at karapatan ng Pilipinas sa mga pinag- aagawang teritoryo sa South China Sea.
Target din ng nasabing pag aaral na makatulong ang media na imulat ang tao na huwag magpalinlang sa mga fake narratives na ipinakakalat hinggil sa umiiral na sigalot gaya ng ginagawa ng China sa West Philippine Sea.
Una rito ay naghain ng diplomatic protest ang pamahalaan laban sa inilabas na bagong bersyon ng China para sa kanilang 10 dash line standard map sa South China Sea.
Kinumpirma ito ni Office of Asean Affairs Assistant Secretary Daniel Espiritu.VERLIN RUIZ