CAVITE – Patuloy na nagsasagawa ng malalimang imbestigasyon ang Regional Special Investigation Task Group kaugnay sa pagpatay kay Fiscal Edilbert Mendoza na binaril ng tatlong ulit sa ulo ng hindi kilalang gunman habang ito ay nagja-jumping sa labas ng kanyang bahay sa Brgy. Cabuco, Trece Martires City, Cavite noong Biyernes ng umaga.
Isa sa mga tinututukan ng mga awtoridad ay ang anggulong sinasabing may umaarbor sa kasong illegal drugs ang isa sa hawak ni Fiscal Mendoza subalit tinanggihan nito.
Dito na nagsimula ang pagbabanta sa buhay ng 48-anyos na si Fiscal Mendoza matapos matalo sa paglilitis ng mababang hukuman at naipakulong ang sinasabing inaarbor na kasong illegal drugs.
Hinihimay din ng Task Force Mendoza ang ilang hawak na kasong illegal drugs ng nasabing fiscal na may posibilidad na may kaugnayan sa naganap na pagpatay.
Magugunita na katatapos pa lamang na mag-physical exercise ni Fiscal Mendoza sa harapan ng kanyang bahay ay patalikod itong niratrat ng hindi kilalang gunman sa ulo.
Duguang dumulagta ang biktima kung saan hindi na naisugod sa ospital ng kanyang anak na lalaki na unang nakakita sa kanyang ama na nakahandusay sa kalsada. Mhar Basco