ARBs makikinabang sa P10-B LANDBANK AGRISENSO Lending Program

ANG agrarian reform beneficiaries (ARBs) at ang buong value-chain ng agrikultura ay makikinabang sa P10 bilyong pondo na inilaan ng Land Bank of the Philippines (LBP) para sa LANDBANK AGRISENSO Lending Program para sa pagpapalakas ng seguridad at kasapatan ng pagkain sa buong bansa.

Ayon kay Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary Conrado M. Estrella III, nilikha ang AgriSenso sa pakikipagtulungan ng ibang ahensiya ng pamahalaan, katulad ng LBP, Department of Agriculture, Agricultural Credit Policy Council, at National Irrigation Admi­nistration.

“Lahat ng mga ahensiyang ito ay nagtatagu­yod ng cluster farming na pinamamahalaan ng mga kooperatiba at asosasyon ng mga magsasaka,” ani Estrella.

Aniya, sa ilalim ng whole-of-government approach, ang DAR, sa pakikipagtulungan sa nasabing mga ahensiya ay lubos na nangangako na susuportahan ang mga ARB member  ng iba’t ibang ARB organizations (ARBOs) sa buong bansa.

Sinabi ni LBP Executive Vice President Alex Lorayes na ang P10 bilyong pondo ay naglalayong magkaloob ng abot-kayang panga­ngailangan sa pananalapi para sa ARBs at sa buong agriculture value-chain na may pitong porsiyentong interes lamang kada taon.

“Nakikita ng LandBank na hindi bababa sa 5,000 AgriSenso ang makakautang na may paunang kabuuang hala­ga na P500 milyon sa ilalim ng bagong lending program ng LandBank,” ani Lorayes.

Ibinunyag niya na mula nang magsimula ang AgriSenso noong Hulyo, marami na ang mga pumasok na aplikasyon ngunit hindi pa matukoy ang tiyak na bilang ng mga umuutang.

“Titiyakin ng LANDBANK na patuloy na susuportahan ang pina­igting na pagsisikap ng gobyerno na palawigin ang makabuluhang interbensyon para sa mga magsasaka upangmabigyan sila ng mas maunlad at napapanati­ling sektor ng agrikultura,” ani Lorayes.