NABABAHALA ang isang dating pangulo ng maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) dahil sa laganap na panloloko sa internet at social media, matapos na makatanggap ng ulat na ginagamit ng ilang tiwali ang kanyang pangalan at email account upang makapanghingi ng pera.
Nauna rito, nakatanggap ng e-mail ang church-run Radio Veritas, na nakapangalan kay Cebu Archbishop Jose Palma, at nanghihingi ng halagang US$1,350, kaya’t kaagad nilang inimpormahan hinggil dito ang arsobispo.
Sa naturang email, sinabi ng “arsobispo” sa e-mail na may dinaluhan siyang programa sa Ukraine at na-decline ang kaniyang credit card kaya siya humihingi ng financial assistance.
Nagpadala pa ito ng account number ng Money Gram at mayroon din itong scanned copy ng passport ng Arsobispo upang mapaniwala ang mga hinihingan nito ng pera.
Mariin namang pinabulaanan ni Palma na siya ang nagpadala ng naturang email.
Ayon sa kanya, wala siya sa Ukraine dahil siya ay kasalukuyang nasa Virac, Catanduanes upang dumalo ng Silver Jubilee Celebration ng Episcopal Consecration ni Bishop Manolo Alarkon Delos Santos.
Tinawag ni Archbishop Palma na immoral at ilegal ang ginagawang panloloko ng ilang indibiduwal gamit ang internet.
“Hello this is Abp. Palma, by this time I am in Catanduanes because I attended the Silver Jubilee Celebration of Bishop Manolo Delos Santos. Just now, I received from friends telling me that my e-mail was hoaxed, as if I was in Ukraine asking for money, it is not true. So anybody who might have heard that Abp. Palma is in Ukraine asking for money because for one reason or another, that’s a hoax. And so I appreciate the friends who told me just now. Well, you know, some people can use certain ways to ask for money or whatever purpose which is immoral and illegal,” anang arsobispo.
Pinaalalahanan din niya ang mga mamamayan na mag-ingat at huwag magpaloko sa mga taong nasa likod ng pagpapadala ng naturang email. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.