MULING nahalal si Davao Archbishop Romulo Valles bilang pangulo ng maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP).
Si Valles, 67-anyos, ay muling iniluklok sa puwesto ng mga obispo para sa kanyang ikalawa at huling termino, sa unang araw ng kanilang plenary assembly nitong Sabado.
Una siyang nahalal bilang pangulo ng CBCP noong Hulyo 2017, kapalit ni Archbishop Socrates Villegas ng Lingayen-Dagupan, at inaasahang mananatili sa puwesto hanggang sa Nobyembre 2021.
Bukod kay Valles, muli ring nahalal sa posisyon sina Kalookan Bishop Pablo Virgilio David bilang Vice President, Archbishop John Du bilang Treasurer at Fr. Marvin Mejia bilang Secretary General ng CBCP.
Nabatid na ang 3-araw na asembliya na sinimulan nitong Sabado, ay idinaraos sa Pope Pius XII Catholic Center sa Paco, Manila at dinaluhan ng may 83 obispo, kabilang ang 73 aktibo at limang retiradong obispo.
Inaasahang magtatapos ito ngayong Lunes, Hulyo 8, kung kailan inaasahang maglalabas din ang mga obispo ng kanilang pastoral statement hinggil sa ilang isyung panlipunan na kinakaharap ng bansa.
Nagpaabot naman ng suporta si Pope Francis sa mga obispo sa naturang asembliya, at nagpaabot ng panalangin na magiging mabunga ang kanilang pulong para sa kapakanan ng mga mananampalatayang Filipino. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.