ARCHERS BABAWIAN ANG WARRIORS

Standings W L
DLSU 6 1
UP 6 1
UE 5 2
UST 4 3
AdU 3 4
NU 2 5
FEU 1 6
Ateneo 1 6

Mga laro ngayon:
(Smart Araneta Coliseum)
8 a.m. – Ateneo vs UPIS (JHS)
10 a.m. – AdU vs FEU (Women)
12 noon – DLSU vs UE (Women)
4 p.m. – AdU vs FEU (Men)
6 p.m. – DLSU vs UE (Men)

SISIKAPIN ng La Salle na maiganti ang kanilang nag-iisang talo sa season laban sa red-hot University of the East sa UAAP men’s basketball tournament ngayon sa Araneta Coliseum.

Determinado si reigning MVP Kevin Quiambao na makabawi mula sa shock 71-75 first round defeat ng Green Archers sa Red Warriors.

Ang defending champions ay nagkaroon ng players-only meeting matapos ang naturang kabiguan at nakatulong ito upang magwagi sila ng tatlong sunod matapos mag-recommit sa sistema ni coach Topex Robinson.

Ang La Salle, galing sa 68-56 victory kontra University of the Philippines sa rematch ng Finals ng nakaraang season, ay nanguna sa first round na may 6-1 record.

“Sinabi lang namin: Pressure is privilege, kumbaga outside noise lang iyan eh. Kumbaga, protektahan mo yung inner circle ng team namin. Ayun, simula noong natalo kami sa UE, nag-stick lang kami sa system namin, I sacrificed my role as a veteran na hindi pala kailangan laging puntos, kailangang maging involved mga teammates ko,” wika ni Quiambao.

“Simula noong nag-adjust kaming lahat, madaming good things ang nangyayari sa amin. Doon namin napagtanto na sundin lagi ang mga coaches kasi, yung first four games namin medyo lihis ang system namin sa gusto naming gawin,” dagdag pa niya.

Nakatakda ang laro sa alas-6 ng gabi.

Target ng Red Warriors na mahila ang kanilang winning run sa anim na laro, na huling naitala ng Recto-based dribblers sa 2009 season nang manalo sila ng walong sunod upang umusad sa Finals.

Makaraang simulan ang season sa 0-2, ang UE ay nanalo ng limang sunod, ang pinakamahabang streak sa loob ng 10 taon, upang pumasok sa second round sa third place.

Para kay coach Jack Santiago, ang second round ay isang bagong kabanata sa layunin ng Red Warriors na putulin ang streak ng 13 non-Final Four seasons na nagsimula noong 2010, ang kasalukuyang pinakamahabang tagtuyot sa liga.

“Hindi kami magre-relax. 0-0 pa rin come second round,” sabi ni Santiago.

Makakaharap ng Adamson, na sa 3-4 ay isang laro sa likod ng University of Santo Tomas (4-3) sa karera para sa huling Final Four berth, ang Far Eastern University sa alas-4 ng hapon.