Laro ngayon:
(Ynares Sports Arena)
3 p.m. – EcoOil-DLSU
vs Marinero-San Beda
TARGET ng defending champion EcoOil-La Salle at Marinerong Pilipino-San Beda ang kinakailangang psychological advantage sa pag-arangkada ng PBA D-League Aspirants’ Cup best-of-three title series ngayon sa Ynares Sports Arena.
Maituturing na rematch ito ng dalawang koponan kung saan ipaparada ng Green Archers ang intact core mula sa title run noong nakaraang taon laban sa dating kilala bilang Skippers, na pinangungunahan ngayon ng core ng Red Lions NCAA squad.
Nasa ilalim noon ni Derrick Pumaren, namayani ang EcoOil-DLSU sa tatlong laro laban sa Marinero side na pinangunahan ni MVP winner Juan Gomez De Liaño.
Nakatakda ang bakbakan ng Green Archers at Red Lions sa alas-3 ng hapon.
“We feel we have the advantage, even on height, but again, we have a lot of respect on coach Yuri Escueta and what he’s able to put in San Beda. We can have the advantage but we have to treat them with respect,” sabi ni assistant coach Gian Nazario, na ginagabayan ang EcoOil-DLSU kapalit ni head coach Topex Robinson.
Wala ang magkapatid na Mike at Ben Phillips, ang Green Archers ay yumuko sa Red Lions, 79-82, sa elims. Subalit nanalo ng anim na sunod ang EcoOil-DLSU, kabilang ang 2-0 semifinals sweep sa University of Perpetual Help System Dalta upang makopo ang ikalawang sunod na D-League finals appearance.
Gayunman ay magiging pangunahing alalahanin ang lakas ng katawan ng Green Archers dahil naglaro sila sa Finals sa isang preseason league kahapon – ang ikatlo sa huling apat na laro.
Papasok naman ang top-ranked Red Lions sa series na sariwa.
Nakatulong din na pinatigas ang Marinero-San Beda ng three-game semis series kontra Wang’s Basketball @27 Strikers-Letran.
Gayunman ay batid ni coach Yuri Escueta na kailangang itaas ng Red Lions ang lebel ng kanilang paglalaro sa championship round.
“Walang madali. La Salle is a stronger team, kita nyo naman sa tao per tao. Kailangan handa kami. Wala pa kaming achievement but you know our winning tradition in San Beda, second or last place, pareho lang ‘yun. Our goal is to win,” ani Escueta.