ARCHITECT TIKLO SA KASONG ESTAFA

CAVITE- INARESTO ang isang lalaking wanted sa kasong estafa at ang kasamahan nito matapos mahulihan ng baril sa Brgy. Salinas sa Bacoor nitong Sabado.

Kinilala ang suspek na si “Dennis”, isang architect, habang ang kasama nito ay kinilalang si “Christian”, isang negosyante.

Sinilbihan si “Dennis” ng warrant of arrest ng mga tauhan ng District Special Operation Unit – Quezon City Police District (DSOU-QCPD), Criminal Investigation and Detection Group (CIDG-QCPD) at Bacoor City Police sa isang gas station sa bahagi ng Aguinaldo Highway.

Ayon sa QCPD, nakita ng mga pulis na nagsilbi ng warrant ang dalawang baril sa loob ng sasakyan ni “Christian”.

Nagpakita naman ito ng License to Own and Possess Firearms (LTOPF) at Permit to Carry Firearms Outside Residence (PTCFOR) subalit, hindi tugma ang serial number ng mga baril sa kanyang mga dokumento.

Narekober ng mga pulis ang dalawang 9mm caliber na baril at mahaharap ang dalawa sa reklamong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
SID SAMANIEGO