ARESTO KAY TRILLANES

SEN-TRILLANES

HINILING na ng Department of Justice (DOJ) sa Makati City Regional Trial Court na magpalabas ng alias warrant of arrest laban kay Senador Antonio Trillanes kasunod ng desisyon ng Malacañang na bawiin ang kanyang amnestiya.

Sa mosyon ng DoJ, hiniling din nito na magpalabas ang korte ng hold departure order (HDO) laban kay Trillanes.

Ang alias warrant ay iniisyu kung ang kaso ay matagal nang naka-archive o hindi na ginalaw.

Magugunita na itinigil ng Makati RTC ang promul­gasyon ng kasong  coup d’etat laban kay Trillanes matapos siyang pagkalooban ng amnestiya ni dating Pangulong Benigno Aquino III.

Nakasaad sa mosyon ng DoJ na malinaw na nakabimbin pa sa naturang korte ang kaso ni Trillanes at hindi pa natatapos dahil walang inilabas na hatol dito.

Kailangan din aniya na maglabas ng HDO ang korte laban kay Trillanes dahil sa paniniwala na may kakayahan ito na tumakas palabas ng bansa.

Nauna rito, nanindigan  si Guevarra na void o walang saysay simula pa noong una, ang amnestiya na ipinagkaloob ng dating pangulong Aquino kay Trillanes.

Ipinaliwanag ni Guevarra na ang kabiguan ni Trillanes na tumalima sa ilang basic requirements sa pag-aaplay ng amnestiya ang dahilan kung bakit hindi balido ang amnestiya. Kabilang dito ang hindi pag-susumite ni Trillanes ng aplikasyon para sa amnestiya at hindi pag-amin na guilty siya sa kasong ginawa, na may kaugnayan sa Oakwood Mutiny noong 2003 at Manila Peninsula Siege noong 2007.

“It’s as if it the amnesty never existed, never been valid. It’s a declaration that it was void from the moment it has been issued,” ani Guevarra, na siyang tumatayong Officer-In-Charge (OIC) ng national government, habang nasa official visit sa Israel at Jordan si Pangulong Rodrigo Duterte.

Idinepensa rin naman ni Guevarra ang inisyung Proclamation 572 ng pa­ngulo noong Agosto 31, at sinabing ang amnestiya ay maaaring bawiin anumang oras.

Subalit, iginiit ni Trillanes na sumunod siya sa requirements kaya nabigyan siya ng amnestiya.

Tiniyak din ng senador na hindi siya magtatago at haharapin ang anumang isasagawang pag-aresto sa kanya.

WARRANT ILALABAS NGAYONG ARAW

HINDI muna agad naglabas kahapon ng warrant of arrest at HDO laban kay Trillanes si Judge Andres Soriano ng Makati Regional Trial Court Branch 148.

Sinabi ni Judge Soriano na kailangan niya muna ng  dalawa hanggang tatlong araw dahil  kaila­ngan pa niyang suriin ang maraming dokumento para makapaglabas ng desisyon sa hirit ng DoJ.

Bago umalis ng kanyang tanggapan kahapon ay sinabi ni Judge Soriano na pag-aaralan  muna niya ang mga dokumento at posibleng ang  pinakamaaga na niyang desisyon ay mailalabas ngayong araw.

TERESA CARLOS, ANA HERNANDEZ, EVELYN QUIROZ

TRILLANES BALIK SUNDALO

INIHAHANDA ng Armed Forces of the Philippines ang muling pagbuo ng court martial para dingging muli ang kaso ni Senador Antonio Trillanes IV matapos na bawiin ng Palasyo ang amnestiya  ng  dating Navy officer kaugnay sa 2003 Oakwood Mu­tiny at 2007 Manila Pen siege.

Sa isang pulong balitaan sa loob ng Department of National Defense ay kinumpirma ni Marine Col. Edgard Arevalo, tagapagsalita ng AFP  na ipinag-utos na ni Acting chief of Staff Salvador Mison ang pag-convene ng general court martial na didinig sa kaso ni Lt. Senior Grade Trillanes.

Kahapon ay ilang ope­ratiba ng Philippine National Police–Criminal Investigation and Detection Group at military ang nagtungo sa Senado para ipatupad ang pagdakip sa senador matapos ang pagbawi sa amnestiya.

Nilinaw ni Arevalo na bunsod ng inutos na  revocation ng Pangulong Duterte ay ibinabalik nito si Trillanes sa pagiging isang military personnel at muling mapapasailalim sa   military regulation kabilang na ang articles of war kung saan saklaw ang lahat ng military personnel.

Aminado naman si Atty. Ronald Patrick Rubin, Chief Internal Audit Service DND, na may nakasaad sa Saligang Batas hinggil sa pagkakaloob ng amnestiya subalit walang nakasaad hinggil sa revocation, “walang provision its really a grey area.,” ani Rubin at tanging ang Solicitor general at DOJ lamang ang may karapatang magpaliwanag hinggil dito. VERLIN RUIZ

Comments are closed.